MARAMI nang nangyaring trahedya sa karagatan sa bansa gaya nang paglubog ng pampasaherong barko at iba pang sasakyang dagat. At sa mga nangyaring trahedya, marami ang nagbuwis ng buhay. Mga kawawang pasahero ang namatay na kung tutuusin, naiwasan sana kung nagkaroon lamang ng tama o matalinong pagpapasya ang mga kinauukulan at mismong may-ari ng sasakyang dagat. Hindi nga maaaring pigilan ang biglang pagsama ng panahon habang bumibiyahe sa laot pero sana naman ay makagawa nang mabilis na paraan kung paano makaiiwas sa kapahamakan ang mga pasahero. Sa kabila na marami nang paglubog, pagbangga at iba pang malagim na trahedya, marami pa rin ang hindi natututo.
Ang paglubog ng tatlong bangkang pampasahero sa Iloilo-Guimaras Strait noong Sabado na ikinamatay ng 31 pasahero ay nakalulunos. Sa isang iglap, 31 buhay ang nawala at mahirap isipin na sa kabila nang mahigpit na pagbabantay para makaiwas sa disgrasya, naulit muli ang malagim na trahedya.
Ayon sa report, tumaob ang mga bangka makaraang salpukin ng malalaking alon ilang oras makaraang makaalis sa pier. Nakapagtataka naman na bakit hinayaang makaalis ang mga bangka gayung may anunsiyo na ang PAGASA na may papalapit na bagyo. Kahit walang typhoon signal dapat isinasaalang-alang pa rin kung kakayanin ba ng mga bangka ang malalaking alon. Ang Philippine Coast Guard (PCG) ang may awtoridad kung hahayaan o hindi ang paglalayag. Dahil nakapaglayag ang mga bangka, tiyak na pinayagan ng Coast Guard.
Ayon sa report, karamihan sa mga pasahero ay walang suot na life vest kaya nang tumaob ang bangka, marami agad ang nalunod. Ilan sa mga namatay ay nakuha sa ilalim nang tumaob na bangka. Ilan sa mga bangkay ay napadpad sa dalampasigan. Nailigtas naman ang 65 pasahero.
Itinigil na ng Coast Guard ang search and rescue operations. Lahat na raw ng hinahanap ay nakita na. Wala na raw kamag-anak na naghahanap sa kanilang kamag-anak.
Nararapat namang magkaroon ng imbestigasyon kung ano ang tunay na dahilan at nangyari ang trahedya. Dapat malaman ang katotohanan kung sino ang nagkulang. Sa rami ng casualties, may naaamoy na hindi tiniyak ang kaligtasan ng mga pasahero.