Huli na naman ang pag-iingat

TATLONG ferry na bumibiyahe sa Iloilo-Guimaras Strait ang tumaob dahil sa malakas na hangin noong Sabado. Dalawampu’t anim ang kumpirmadong patay habang lima pa ang nawawala. Limampu’t limang pasahero naman ang nasagip na. Itatanong na naman natin sa Phi­lippine Coast Guard (PCG) kung bakit pinayagang bumiyahe ang tatlong ferry kung masama na ang panahon. Mala­kas na pagbugso ng hangin at malalaking alon ang dahilan nang pagtaob ng tatlong ferry. Maganda ba ang panahon nang bumiyahe ang mga ferry?

Pero kung masama na nga ang panahon at may ba­lita na nga tungkol dito, bakit pa pinayagang bumiyahe? Ipinahinto na ng PCG ang mga biyaheng Iloilo-Guimaras. Nahuli na naman ang pag-iingat. Ngayon hirap na rin silang maghanap ng mga nakaligtas dahil sa sama ng panahon. Isa na namang trahedya sa karagatan ang naitala sa Pilipinas.

Hindi nga maganda ang kasaysayan ng paglalayag sa Pilipinas. Ang paglubog ng MV Doña Paz noong Dis­yembre 1987 ang numero unong kalamidad sa karagatan sa panahon ng kapayapaan. Nagbanggaan sa Tablas Strait malapit sa Marinduque ang Doña Paz at ang MT Vector.

Hindi ko nga maintindihan kung paano nagbabanggaan ang mga barko sa karagatan maliban lamang kung walang nagbabantay sa kapaligiran, lalo na sa gabi. Mas maraming namatay sa paglubog ng Wilhelm Gustloff noong 1945, panahon ng World War 2. Higit 4,300 ang namatay.

Kailangang pag-aralan din ang disenyo ng mga pampasaherong barko kung alinsunod sa kasalukuyang pamantayan. Bakit tumaob nang biglang lumakas ang hangin? Ayon sa mga nakaligtas na pasahero, ito raw ang sanhi ng pagtaob ng mga barko. Nasa tamang bilang ba ng mga pasahero ang tatlong ferry?

Nang masunog at lumubog ang MV Doña Paz, sobra sa takdang bilang ng mga pasahero ang sakay ng barko. Nasa libong pasahero nga ang wala sa manifesto. Karaniwang ginagawa sa bansa ang overloading sa mga barko. Isinasakripisyo ang kaligtasan para sa kita. Kailangang matigil na ang kalakarang ito.

Show comments