Kasuhan at ikulong ang mga corrupt sa Customs
Nabasa ko at narinig ang balita na 60 Customs officials and employees na sangkot sa corruption ang pinatawag ni President Duterte sa Malacañang at sinermunan umano. Pagkatapos ng balitang ito, wala nang narinig pa ukol sa mga corrupt.
Ganun lang ba ang gagawin sa mga magnanakaw sa Customs --- sesermunan? Una kong nabasa sa newspaper na paglilinisin daw ni President Duterte ng basura sa Ilog Pasig ang 60 corrupt. Bakit paglilinisin? Ganun lang ba ang katapat ng ginawa ng mga matatakaw na buwaya sa Customs? Hindi naman yata tama na paglilinisin lang o sisermunan ang mga kawatan. Ang nararapat sa kanila ay kasuhan sa tamang korte at kapag napatunayan ay ikulong para mapagdusahan ang ginawa. Mas maganda nga sana kung maipapasa ang death penalty law para ang lahat ng mga corrupt o may plunder cases ay mapaparusahan ng bitay. Pero sa tingin ko, mahihirapang maipasa ang death penalty sapagkat karamihan sa mga mambabatas ay may kasong pandarambong. Gugustuhin ba nilang maparusahan ng ipapasang batas? Hindi nila ipapasa ang batas na papatay sa kanila.
Maraming corrupt sa Customs at maski si President Duterte ay dismayado sa patuloy na katiwalian. Lalo siyang nadidismaya sapagkat ang inilagay na nga niya sa ahensiya ay dating sundalo o opisyal pero nangyayari pa rin ang corruption.
Naniniwala ako na totoo ang layunin ng Presidente na madurog ang katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan. Sana, maging matalino pa siya sa pagpili ng iuupo sa ahensiya o tanggapan para magkaroon ng katuparan ang ninanais niyang corrupt at drug free na bansa. Unahin niyang ubusin o lipulin ang mga tiwali sa Customs. Kapag nangyari ito, giginhawa na ang buhay ng mga Pinoy dahil wala nang magnanakaw sa kaban ng bansa. ---ROMEO GANIBA, Project 6, Quezon City
- Latest