“MABUTI’T pinatay na ‘yan!” Malimit bukambibig ‘yan ngayon. Nagagalak ang ordinaryong tao sa pagpaslang ng pulis o vigilantes sa mga suspek sa krimen. “Suspek”, dahil hindi pa nalitis o nasentensiyahan ng husgado. Pinaghinalaan pa lang na nanggahasa o pumatay o nagnakaw. Pero sinabi ng pulis na nanlaban kasi kaya pinasya nilang barilin siya bilang self-defense. O kaya’y sinabitan ng vigilantes ang bangkay ng karatula na naglilista ng mga umano’y sala ng suspek.
Kung ang mamamayan ay labis nang nabiktima ng krimen, nanaisin niyang mamatay na lahat ng kriminal -- miski suspek pa lang. Malamang kasi na ang biktima ay hindi nakamit ang hustisya. Maaring ang akusado ay malakas sa pulis, prosecutor o huwes; makapangyarihan kaya pinangilagan ng awtoridad; at mayaman kaya nakabayad ng abogado de kampanilya. Aburido ang biktima sa sitwasyon. Kapag nababalitaan niyang sina-”salvage” ang mga suspek, pakiramdam niya ay nalilipol ang kriminalidad. Pero naghihimutok pa rin ang kalooban.
Sa kabilang dako, merong suspek na napagdiskitahan lang. Pinagkamalang kriminal dahil sa hitsura o kilos, dayo o iba ang salita, makulit o napadaan lang sa crime scene. Labis-labis ang hinagpis ng pamilya dahil pinatay siya nang walang kamuwang-muwang. Mawawalan sila ng tiwala sa husgado. Baka magplano pa ng paghihiganti. Biktima rin sila ng krimen at kawalan ng hustisya.
Pinaka-mabuti na idaan sa proseso ang suspek. Imbestigahan nang wasto, dakipin at ihabla, litisin at husgahan. Sa prosesong ‘yun mababatid ng biktima at pamilya ng suspek kung meron o wala siyang sala. Magiging katanggap-tanggap ang pasya ng korte. Mapapanatag ang kalooban ng lahat na umandar ang sistema. Sabi nila imposible ‘yan; nais “patayin na lang agad”. Bahala na kung may sala o wala ang suspek.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).