EDITORYAL - Lungga rin pala ng mga buwaya!
MASSIVE corruption. Malawakang katiwalian. Ito ang dahilan kaya ura-uradang ipinatigil ni President Duterte ang operasyon ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Dahil dito, wala nang lotto at iba pang sugal. Epektibo ang kautusan noong Sabado. Agad kumilos ang Philippine National Police (PNP) para isara ang lahat ng lotto outlets sa bansa. Maraming mananaya ng lotto ang nabigla sa utos ng Presidente. Mas nabigla ang mga teller sa lotto outlets sapagkat sa isang iglap, wala na silang trabaho.
Ayon sa report, napuno na ang Presidente sa malawakang corruption na nangyayari sa PCSO na ang pasimuno ay ang mga retired at active na miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police. Sila-sila ang nakikinabang sa PCSO sapagkat karamihan sa kanila ay may-ari rin ng gaming franchise na ipinapangalan lang sa iba. Kontrolado nila kaya sa halip na kumita ang gobyerno, sila ang nakikinabang. Masyadong natakawan ang mga opisyal sa sandamukal na perang iniaakyat ng mga sugal na pinatatakbo ng PCSO.
Noong nakaraang Marso, sinibak sa puwesto si PCSO general manager Alexander Balutan dahil sa alegasyon ng corruption. Sinibak si Balutan tatlong araw makaraan siya at iba pang PCSO officials ay mag-testify sa House of Representatives kaugnay sa isyu ng corruption sa issuance ng Small Town Lottery (STL) franchises sa bansa. Ang STL ay nilikha para ipalit sa illegal jueteng. Sabi naman ni Balutan, hindi raw siya sinibak sa puwesto. Nagbitiw daw siya sapagkat mayroon siyang “hindi masikmura sa PCSO”. Hindi naman nilinaw ni Balutan kung ano ang sinasabi niyang “hindi masikmura sa PCSO’’. Hanggang ngayon, hindi na malaman kung ano na nangyari sa kaso ni Balutan.
Kung may kaugnayan pa rin si Balutan kaya ipinasya ng Presidente na itigil ang operasyon ng PCSO ay walang nakaaalam. Ang tanging nalalaman ng taumbayan ngayon ay punumpuno ng katiwalian ang nasabing ahensiya. Dahil sa nangyayaring corruption kaya marami pa rin sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong pinansiyal ang hindi agad matugunan at kailangan pang pumila sa PCSO.
Kailangang malaman ang katotohanan sa nangyayaring corruption sa PCSO. Huwag buksan ang operasyon ng lotto at iba pang sugal hangga’t hindi natutukoy ang mga “buwaya” na nagpapasasa sa pera. Kapag natukoy na, kasuhan sila at bulukin sa kulungan.
- Latest