PAULIT-ULIT nagbibigay babala ang BITAG sa mga Pilipinong hanggang sa ngayon ay nais pa ring mangibang-bansa para maghanapbuhay. Hindi lang dahil sa baka mapunta kayo sa malulupit na amo o di kaya’y maloko ng mga illegal recruiter o human trafficking. Alalahanin n’yo ang kalagayan ng mga mahal sa buhay na iiwan dito sa Pinas.
Sa isang sumbong na dumating sa aking tanggapan, hindi ko naiwasang pagsabihan ang inang nagrereklamo. Ang kanyang anak na babaing mentally challenged, ginahasa habang silang mag-asawa ay nagtatrabaho sa Kuwait. May warrant of arrest na raw ang suspek subalit hindi pa nahuhuli. Bukod sa hindi dated ang dalang warrant, wala ring makapagturo kung nasaan ang suspek.
Nakikisimpatiya ako sa ginang, subalit epekto lamang ng problema ang kanyang inaalala. Bilang nasa serbisyo publiko, ipinaunawa ng BITAG sa misis ang dahilan ng problema upang hindi na ito maulit pa.
“Di bale nang mawalan ng pera, ‘wag lang anak!”, diretsahan kong sinabi sa kanya. Ang dinadahilan kasi ng ginang, kailangan nila ng pambayad ng biniling bahay kaya dalawa silang mag-asawa na nag-abroad. Walang masama sa kanilang intensiyon na maayos na buhay subalit ang nagdusa, ang kanilang anak na babae. Sa umpisa pa lamang ay alam na nila ang kondisyon ng bata, hindi man lang nagpaiwan ang isa sa kanila para mabantayan ito.
Hindi ko siya sinisisi, binubuksan ko lamang ang kanyang mga mata na matuto sa pagkakamali, bumawi sa kanyang anak sa pag-aalaga rito imbes punuin ng hinanakit at paninisi sa iba ang kanilang pamumuhay.
Kung sasabihin ng iba na masyadong matalas ang dila ko dahil parang kinagagalitan pa ang nagrereklamo, puwes, mali kayo. Sadyang masakit ang katotohanan, ang tanong eh kung natuto ka ba’t handang ituwid ang pagkakamali?
Hindi ako plastic na tao, hindi n’yo maririnig sa akin ang mga salitang music to your ears o mga payong laging pabor sa nagsusumbong.
Hindi man sila natulungan ng BITAG sa paraang kagustuhan ng nagrereklamo, sigurado naman kaming may natutunan ang sinumang dumating at umalis ng aming action center para labanan ang mga parehong hamon sa buhay.