Kalaboso ang bugaw Kalaboso ang bugaw

(Huling bahagi)

SA paglilitis, ginawang testigo ng prosekusyon ang tatlong babaing biktima na inamin ang masaklap nilang sinapit sa kamay nina Rina at Domeng. Isang ahente rin sa entrapment operation ang tumestigo. Sa kanilang depensa, puro tanggi lang ang ginawa nina Rina at Domeng. Sabi ni Rina, nasa simbahan siya nang dakpin ng mga pulis. Si Domeng naman daw ay natutulog sa kanyang bahay nang gisingin at tanungin ni Rina pati ng babae at tatlong lalaking ka­sama nito kung puwedeng upahan ang isang kuwarto ng bahay niya dahil birthday ng babae. Tumanggi raw siya kaya sapi­litang pinasok ng tatlong lalaki ang kanyang bahay at puwer­sahang ibinigay sa kanya ang markadong pera.

Matapos ang paglilitis, napatunayan ng RTC na nagka­sala si Rina sa paglabag ng batas (Qualified Trafficking in Persons – Section 4, a, e,  and Section 6, a) dahil sa ginawang pambubugaw sa mga babae lalo sa dalawang bata. Pati si Domeng ay napatunayan na nagkasala sa ilalim ng Section 5 (a) at  Section 6. Hinatulan sila ng habambuhay na pag­kakulong at pinagmumulta ng P2-milyon bawat isa. Ang desisyon ay kinatigan ng Court of Appeals at nagdag­dag pa ng danyos (moral/exemplary damages) para sa mga biktima.

Samantala, habang nakabinbin ang kaso sa Supreme Court, namatay si Rina sa correctional. Bumigay ang kanyang mga lamanloob dahil sa cancer. Dahil sa kanyang pag­kamatay, nabura na ang pananagutan niya sa batas.

Tungkol naman kay Domeng, sinang-ayunan ng SC ang naging ulat ng mababang hukuman at ng CA. Ayon pa sa SC, malinaw at magkakatugma ang salaysay ng tatlong biktima habang detalyado naman ang naging pagsasalaysay ng operatiba patungkol sa nangyaring entrapment operation. Kusang loob daw na ginawa ni Domeng ang pagpapaupa ng isang kuwarto ng kanyang bahay para sa prostitusyon o pagbebenta ng laman. Ang positibong pagtuturo sa kanya ng mga pulis at biktima na testigo ng prosekusyon ay mas nanaig sa kanyang pagtanggi.

Pero ayon sa SC, nagkamali ang RTC at CA sa pag-aakusa kay Domeng sa paglabag ng Section 5 (a) at Section 6 ng RA 9208. Ayon sa SC,  pinarurusahan sa Section 5 (a) ang hayagang paggawa ng trafficking samantalang ang dapat ikaso kay Domeng ay ang nasa ilalim lang ng Section 4 ng nasabing batas. Kasi raw, nasa Section 4 ang tungkol sa mga kilos na may direktang kinalaman sa trafficking tulad ng pagkuha, pagbiyahe, paglipat, pagtatago, pagtanggap, pagbili, pag-alok, pagbebenta at pakikipagpalitan ng mga taong ginagamit sa prostitusyon, pornograpiya, pag-alila, pagsasangla, pagkasadlak sa utang ng mga biktima. Sa Section 5 naman, nakasaad lang ang mga bagay na nagsusulong sa human trafficking. Hindi rin puwedeng ipaloob ang paglabag ng Section 5 sa Section 6 ng nasabing batas. Si Domeng daw ay nagkasala lang dahil sa mga aktuwasyon na nagsusulong sa human trafficking at dapat parusahan ng 15 taong pagkabilanggo pati multa ng kalahating milyong piso. Dapat din siyang magbayad ng danyos na P100,000 (moral damages) at P50,000 (exemplary damages) pati interest sa mga biktima mula maging pinal ang desisyon hanggang tuluyang mabayaran ang mga biktima (People vs. Reyes and Roxas, G.R. 227704, April 10, 2019).

Show comments