EDITORYAL - Sariling tanggapan ng mga ‘bagong bayani’

SA wakas, magkakaroon na rin ng sariling tanggapan o kawanihan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Hindi na sila pagpapasa-pasahan at ituturo sa kung saan-saan lang lalo kung nasa kagipitan at nangangailangan ng tulong. Magkakaroon na ng Department of OFWs sa utos ni President Duterte bago matapos ang taong ito.

Nararapat lang ito sapagkat malaki ang naitulong ng OFWs sa bansa. Kung wala ang OFWs nang magkaroon ng financial crisis sa Asia noong dekada 90, tiyak na humilahod na ang Pilipinas. Dahil sa pinadadalang dollars ng OFWs, nakabangon ang bansa at sumigla ang kalakalan. Ang mga OFW ang may pinakamalaking kontribusyon sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa ipinadadala nilang remittance money. Mula noon hanggang ngayon, ang mga OFW ang sumasagip sa sumusubsob na ekonomiya. Kaya nga sila tinawag na mga ‘‘bagong bayani’’.

Pero sa kabila ng kabayanihang ginampanan ng mga OFW, walang ginawa ang mga nakaraang administrasyon kung paano magagantihan ang pagsasakripisyo  ng mga OFW.

Dekada 70 pa nang mangibang bansa ang mga manggagawang Pinoy pero walang Presidente ng bansa na makapagtatag ng isang departamento o tanggapan na tututok sa kalagayan ng mga ito. Mahusay lamang sila sa pagpuri sa mga nagagawa ng mga OFW pero wala silang maidulot sa mga ito para masuklian ang ginawang kabayanihan. Wala man lang pagmamalasakit sa mga manggagawang nagtitiis mawalay sa mga mahal sa buhay. May OFWs na nasira ang ulo dahil sa pang-aabuso ng employer pero walang ginagawa ang gobyerno para matulungan.

Mayroong OFWs na nakasalang na sa bitayan pero hindi pa namamalayan ng pamahalaan o maski ng nakakasakop na embahada. Mayroong mga domestic helpers na tumatakas sa amo at walang masulingan. Maraming OFWs na niloko ng recruiters at wala silang magawang paraan kung paano babalik sa bansa. Maraming nagkakasakit na OFWs at hindi nila alam kung paano magpapagamot.

Sabi ni President Duterte noong Biyernes sa Araw ng Pasasalamat sa OFWs na ginanap sa Camp Aguinaldo, ipinaaapura na niya ang Department of OFWs. Gusto niya, plantsado na ito sa Disyembre para may tututok na sa mga problema ng OFWs.

Ito ang nararapat at matagal nang inaasam ng mga “bagong bayani”. Panahon na para masuklian ang ginawa nila para sa bayan.

Show comments