HINDI pa nahahalal bilang Speaker of the House, paglaganap ng termino ng kongresista kaagad ang unang nais na panukala ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano. Bakit hindi harapin ang mga problema ng bansa tulad ng kahirapan, kalusugan, edukasyon para maghain ng ilang halimbawa?
Labinlimang buwan uupo na House Speaker si Cayetano habang 21 buwan naman si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kung susunod nga ang karamihan ng mga mambabatas sa pag-endorso ni President Duterte sa dalawa. Kailangan pa rin ng halalan sa Hulyo 22. May mga nagsasalita na baka magkaroon ng kudeta sa araw na iyon dahil may mga ayaw umano kay Cayetano. Hindi pa raw tapos ang isyu kung sino ang susunod na Speaker of the House.
Sa tingin ko, hindi sang-ayon ang mamamayan na palawigin pa ang termino ng mga mambabatas. Dalawang magkasunod na tatlong taong termino bilang mambabatas ang kasalukuyang nakasaad sa Konstitusyon kaya nais ding palitan na ang Saligang Batas para maipatupad ang mga nais ni Duterte at ng mga mambabatas. May mga kongresista na magpapahinga lamang ng tatlong taon sabay takbo muli para sa susunod na dalawang termino. Kaya alam na alam na ng kanilang botante ang kanilang pangalan.
Nainggit siguro kay Chinese President Xi Jinping na ginawang panghabambuhay na Presidente ng kanilang katumbas na Senado at Kongreso. Ganun pa man, hindi maaaring sila-sila na lang ang magdedesisyon para palawigin ang kanilang termino. Kailangang pagbotohan ng taumbayan. Ang taumbayan naman ang kanilang sinisilbihan, kung talagang nasusunod iyon.
Nakikita ko na na hindi magiging independente ang Kongreso sa Palasyo. Kung ngayon pa lang ay sinusulong nang husto ni Cayetano ang pagpalit ng uri ng gobyerno sa pederalismo para nga mapalawig ang termino ng mga mambabatas. Tutol si Sen. Ping Lacson sa pagpapalawig ng termino. Sabi niya, bayan muna bago ang sarili.