SA Hulyo 22 pa magsisimula ng kanyang trabaho sa Kongreso si Ang Probinsiyano party-list representative Alfred delos Santos, pero malamang na hindi na ito matutuloy sapagkat nahaharap siya sa criminal at administrative charges dahil sa panununtok sa isang waiter sa Legazpi City, Albay noong Hulyo 7, dakong 3:40 ng madaling araw.
Nakunan ng CCTV ang panununtok ni Delos Santos sa waiter na si Christian Kent Alejo. Nasa isang table si Delos Santos kasama ang tatlo pang lalaki nang lumapit si Alejo at naglagay ng placemat pero makaraan iyon, bigla na lamang itong sinuntok ng kongresista sa hindi malamang dahilan.
Ayon sa report, tiningnan daw ng masama ng waiter si Delos Santos at kinumpronta ito kung bakit ganoon makatingin pero nagsalita raw ng hindi maganda kaya sinuntok ng kongresista. Pero itinanggi iyon ng waiter. Hindi raw niya ito tiningnan nang masama at wala raw siyang masamang sinabi sa lawmaker. Ayon pa sa waiter, hindi rin daw totoo na nagkaayos na sila ni Delos Santos at hindi rin totoo ang kumakalat na binigyan siya nito ng pera para iatras ang reklamo. Ayon sa abogado ng waiter, hindi raw sila magpapaareglo.
Ayon sa mga kasamahan ni Delos Santos sa grupo, hindi nila kukunsintihin ang anumang pang-aabuso. Hindi raw sila mangingiming suspendihin o alisin bilang congressman si Delos Santos kapag napatunayan ang walang dahilang panununtok nito sa waiter.
Karaniwang mga party-list representative ang nahaharap sa mga kaso ng pang-aabuso. Noong nakaraang Setyembre 2018, gumawa ng ingay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si ACTS-OFW Rep. Aniceto Bertiz III nang tumanggi itong alisin ang sapatos sa NAIA para sa final inspection. Binulyawan pa niya ang airport screener sabay pakita ng kanyang access ID pass. Tinanggal si Bertiz dahil sa inugali.
Dapat magpakita ng hinahon ang mga mambabatas. Sila ang dapat maging halimbawa sa mamamayan. Nararapat lamang silang alisin kung nagpapakita ng pagiging abusado. Hindi sila dapat mas mataas pa sa batas.