EDITORYAL - Sundalo uli sa Customs?
MAGKAKAROON muli ng sibakan sa Bureau of Customs (BOC) at marami raw ang matatanggal, ito ay nagmula sa bibig ni President Duterte. At may pahaging siya na isa na namang dating sundalo ang ilalagay niya sa Customs.
Sabi ng Presidente nang magtalumpati sa inagurasyon ng isang rice processing complex sa Alangalang, Leyte noong nakaraang linggo, magkakaroon ng sibakan sa Customs at marami ang matatanggal. Ito ay para raw matigil na ang korapsiyon sa nasabing ahensiya. “I would be firing more from the Bureau of Customs…maybe, ilagay ko na sa army,” sabi ng Presidente.
Sundalo na naman ang balak niyang ilagay sa Customs. Hindi na ba nagsawa ang Presidente sa kalalagay ng sundalo sa corrupt na ahensiya? Tatlong dating sundalo na ang inilagay niya sa Customs. Una ay si Nicanor Faeldon na dating captain ng Philippine Marines. Nalusutan si Faeldon ng P6.4 bilyong shabu na dinala sa isang warehouse sa Valezuela City. Ipinalit kay Faeldon si Isidro Lapeña na dating police director. Pero nalusutan din ito ng droga na inilagay sa magnetic lifter at natagpuan sa isang warehouse sa Cavite. Ipinalit kay Lapeña si Rey Leonardo Guerrero, dating Armed Forces chief of staff subalit may nakalusot din umanong droga sa kabila ng pagbabantay nito. Idineklara umanong tapioca ang shipment subalit droga pala.
Talamak ang corruption sa Customs at maski matatapang na sundalo ay walang magawa para masawata ito. Maraming buwaya sa ahensiyang ito na patuloy na nagpapakabusog sa kabila ng banta ng Presidente. Kahit sekyu at janitor sa Customs ay namamantikaan ang nguso.
Hindi kailangang sundalo ang kunin at ipuwesto para masawata ang corruption. Ang dapat ilagay sa ahensiyang ito ay taga-Customs mismo na kabisado ang kalakaran at likaw ng bituka ng mga taga-loob. Isang tao na nalalaman ang pasikut-sikot sa Customs at hindi malilinlang.
Higit sa lahat, dapat ang ipupuwesto ni Duterte sa maruming Customs ay yung pagkakatiwalaan niya. Yung ang katapatan ay hindi mapapantayan. Kung ganitong tao ang ilalagay niya, maaaring magwakas na ang katiwalian sa Customs.
- Latest