SA tamang gamot sa high blood pressure at diabetes, may dagdag 10 taon sa inyong buhay. Ito ay ayon sa pag-aaral.
Kaibigan, hindi totoo ang paniniwala na masama ang maintenance na gamot sa high blood at diabetes. Kapag hindi uminom ng gamot sa high blood, malaki ang tsansa na ma-stroke at atakehin sa puso nang maaga.
Kung masama itong mga gamot, bakit ko naman ibibigay sa mga pasyente ko sa medical mission? Gusto ko lang humaba ang kanilang buhay.
Ang mga tao sa Japan at America ay umaabot sa 90 at 100 years old dahil naiinom nila ang kanilang maintenance na gamot. Pero sa Pilipinas, dahil kulang sa pambili ng gamot, marami ang nagkakasakit ng maaga pa.
Ang mga gamot sa high blood at diabetes ay puwedeng makadagdag ng extra 10 taon sa iyong buhay. Halimbawa, kung hanggang 70 years old ang takdang buhay ng isang tao, ay aabot siya ng 80 years sa pag-inom ng tamang gamot.
Pero ang mga gamot na ito ay dapat nireseta ng inyong doktor at tuluy-tuloy ang kanyang pagsubaybay sa inyong kalusugan. Mahalaga ang check up at pag-eksamen sa pasyente.
Hindi nakasisira ng atay at kidney ang pag-inom ng maintenance na gamot sa puso, high blood at diabetes. Ang nakasisira sa atay ay ang pag-inom ng alak. Ang nakasisira sa kidney ay ang hindi pag-inom ng gamot sa high blood at diabetes.
Kapag pinabayaan nating mataas ang inyong blood pressure at blood sugar, masisira ang kidneys sa loob ng 5-10 taon at puwedeng umabot sa kidney failure, dialysis at pagkamatay.
Ang bawal sa kidney ay ang matagalang pag-inom ng pain relievers tulad ng mefenamic acid at celecoxib. Pero ang gamot sa puso, high blood at diabetes ay ligtas inumin.
May nagtatanong: Puwede bang ihinto na ang gamot sa high blood at diabetes kung maging normal na ang pakiramdam?
Sagot: Hindi! Kapag inihinto ang pag-inom nito, posibleng tataas muli ang presyon ng dugo. Kadalasan, panghabambuhay na ang pag-inom ng mga gamot na ito. Huwag ititigil ang gamot ng walang pahintulot ng inyong doktor.
Sa katunayan, ang mga kaalaman na nanggaling din sa Diyos ay itinuturo ko sa inyo nang libre at walang kapalit. God bless po.