Walang ‘epal’ sa Maynila
NANG ako’y maupo bilang konsehal ng Maynila taong 1988, isa agad sa naipanukala ay ang pagbawal sa pag-agaw ng kredito ng mga pulitiko sa mga proyektong pinondohan ng kaban ng bayan. Ang mga public works project, halimbawa, na sinasamahan lagi ng pangalan ng may akda – “this is a project of …” ay, sa ilalim ng aking ordinansa, bawal na. Maging ang paggamit ng mga plaka ng sasakyan na may takdang titulo ng nakasakay – kesyo mayor, vice mayor, councilor etc. Bawal din. Maski ang pagbahagi ng calling card na may nakapirma sa likod na please extend assistance to bearer. Sa ilalim ng panukala, bawal na rin yun.
Hindi ko pa man alam noon na ang itatawag pala dito ng mga darating na henerasyon ay “epal”. Slang o jejemon para sa ma-papel. Ang anti-epal na sentimyentong ito ay dala ng pagkasuya sa masamang pangalan o imaheng ibinibigay ng ganitong gawain sa kapwa lingkod bayan. Bakit nga naman ipagmamalaki at hahanap ng pasalamat para sa pagtulong na obligasyon mo namang ibigay? Binabayaran ka ng taumbayan at pera rin nila ang ginagastos sa proyekto. Ano ang “papel” mo run?
Thirty years na ang nakalipas mula nang muling magkaroon ng ganitong panukala sa Maynila. Kahapon, inanunsyo ni Mayor Francisco Moreno Domagoso ang sarili niyang anti epal na kautusan laban naman sa paglagay ng pangalan ng mga pulitiko sa mga gusaling pampubliko, lalo na sa mga paaralan. At lahat ay saklaw ng panukala. Maging ang sarili niyang pangalan, kung meron man, ay ipinatatanggal.
Magandang halimbawa para sa kabataan ang ganitong paghihigpit ng pamunuang Maynila. Tama si Mayor na kapag ma-expose ang kabataan sa ganitong pagyayabang, sila man ay mapapaisip na ayos lang ang ganitong uri ng pagbuhat ng sariling bangko.
Ang tanging kabayaran dapat sa paglingkod ay ang nabigyan ka ng mismong pagkakataong makapaglingkod. Sana ay tularan ng iba pang mga lungsod ang ganitong inisyatibo na nagbibigay ng wastong pagpapahalaga sa serbisyo.
- Latest