Ang lengguwaheng bastos
KAHIT na ang tawag sa akin ay ang pinakabastos na Tulfo, hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay bastos ako makisalamuha’t makipag-usap. Depende ‘yan sa taong kaharap at kausap ko. Oo astig kaming magkakapatid, may kanya-kanyang angas. Subalit kapag nanay namin ang pinag-uusapan, luhod kaming lahat.
Etong sumbong ng isang 65 years old na inang dumayo sa BITAG Action Center, lumabas ang estilo kong hindi nais makita ng mga karamihan. Mga lengguwaheng hindi basta mapapakinggan sa iba, lengguwahe at estilong BITAG Klasik!
Ang sumbong ni Nanay, pinalayas daw siya ng anak sa mismong lupang nakapangalan sa kanya. Senior citizen na si Nanay at alam kong may pagka-sensitibo na ito, kaya para pag-ayusin ay tinawagan ko sa ere ang anak na lalaki. Sa una kalmado akong nakikipag-usap. Ang layunin lang naman ng programang Pambansang Sumbungan ay pag-ayusin ang mag-inang may hindi pagkakaintindihan.
Mahabang oras akong payapang nakikiusap sa anak na nasa kabilang linya. Pilit kong pinakinggan ang kanyang panig na tila machine gun ang bunganga sa pakikipag-usap sa kanyang nanay. I can feel the anger and bitterness in his heart. Galit ng isang anak na napabayaan ng kanyang ina sa loob ng 12 taon dahil sa pamamasukan bilang household worker sa Lebanon.
Hiningi ko pa ang tulong ng espesyalista at aming resident Clinical Psychologist na si Dr. Camille Garcia. Pinayuhan siya ni Doc Camille na kalimutan ang matagal nang galit at magpakumbaba na lamang sa ina upang maayos na ang alitan nila. Pero pinahiya lang ako ng putakerong anak na ‘to. Imbes na rumespeto ay lalo pa siyang nanggigil sa panunumbat sa ina. Pataas nang pataas din ang boses ng kolokoy, kung bulyawan ang kausap ay parang hindi niya nanay.
Pabalang na rin kung sumagot sa aking mga katanungan sa ere, napaisip tuloy ako kung nag-aastig-astigan lang ba ang aking kausap o isa talaga siyang “suplada”.
Dito na pumitik ang tenga ko, oras na para ipaintindi sa anak na ito ang salitang RESPETO and I made sure it stuck to his infantile skull!
The message was clear, kapag mahinahon ang kausap mo, kumalma ka, matuto kang gumalang. Kung bastos kang makikipag-usap sa akin, siguradong mas bastos ako sa’yo. Hindi gugustuhin ng suplada este supladong kausap ko na mapikon si BITAG. Puwede ko siyang sorpresahin, puntahan ng personal at tuluyang makialam sa problema nilang mag-ina. Sa huli, dahil lengguwaheng bastos na ang ginamit ng BITAG sa inirereklamong anak, mukang naintindihan niya ang mensahe’t huminahon na siya. Marunong nang mag po at opo ang kolokoy.
Simple lang ako, si BITAG, mas bastos ako kapag bastos ang kausap ko. Pero, marunong akong makinig, umunawa, at higit sa lahat, rumespeto.
Abangan sa BITAG Official YouTube channel ang kabuuan ng sumbong na ito!
- Latest