ITO ang huling ulat ng PNP Directorate for Operations sa drug war ng administrasyong Duterte: Mahigit 6,600 ang napatay na pushers sa police operations mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2019. Inaresto ang 240,565. At kinausap ng pulis ang 1,283,4098 sa bahay (O-Plan Tokhang) na magbagong buhay na kung ayaw mapahamak. Hindi kasama diyan ang mga pinatay ng vigilantes o karibal na sindikato, o kaya’y na-rehab. Pero karamihan ng addicts ay pushers din para sustentohan ang bisyo.
Ang tanong: ilan pa ang natitirang pushers at addicts? Kailangang malaman para wasto ang pagpuksa ng salot na droga.
Marami pa sila, batay sa malimit na pagsabat ng tone-toneladang shabu, halagang bilyon-bilyong piso, sa mga pier at lihim na pabrika. Sa supply matatantiya ang demand: sa laki ng peligro sa narco-trafficking na umaani ng malaking tubo, tiyak malaki ang demand. Makakagawa ang isang toneladang shabu ng isang milyong sachet na tig-isang gramo na binebenta sa kalye. Tatlo hanggang limang birit ang isang gramo, sa loob ng kasindaming araw, depende sa tindi ng pagka-adik. Daan-daang toneladang shabu, nakatago sa magnetic lifters, ang nasabat sa Manila pier nu’ng 2018. Triple ang tinatayang nakalusot sa mas maraming lifters na wala nang laman nang masabat sa bodega sa Cavite. Dumagsa ang supply, sandaling bumagsak ang presyo, sa matindi pa ring demand.
Nu’ng sinimulan ni President Rody Duterte ang drug war tinantiyang 3.6 milyon hanggang apat na milyon ang addicts-pushers. Tatlong ulit ‘yon ng 1.3 milyong binalaan ng pulisya sa “Tokhang”. Huwag naman sanang tatlong ulit din ng 6,600 -- o 19,800 -- ang kailangan mamatay para mapuksa ang salot. Kailangan sarbeyin sa mga barangay kung ilan pa sila. At doon harapin sila ng police raids at buy-busts, rehab, at edukasyon tungkol sa masamang idinudulot ng droga.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).