Ang joke ni Digong huwag seryosohin

NATURAL kay President Duterte ang mapagbitiw ng mga nakakatawang linya. Kaso, kung hindi mo siya kabisado, mahirap malaman kung kailan siya seryoso at kailan nagbibiro.

Noong Martes, nagbiro si Duterte sa mga Palace reporter­. Sinabihan daw niya si Rep. Gloria Arroyo na pumili na ng makakapalit niya sa puwesto bilang House Speaker. Tutal naman daw ay magreretiro na si Speaker kaya siya na lang daw ang pumili. Naniwala naman agad ang kampo ni Leyte Rep. Martin Romualdez.

Ayon sa Pangulo, nag-usap sila ni GMA sa Hugpong ng Pagbabago Thanksgiving sa The Manila Pen noong Lunes. Bosom buddy ni GMA si Martin, kaya inakala ng huli na pabor ito sa kanya. Hindi niya alam na dahil dito, naging sentro siya ng katatawanan ng mga kapwa niya kongresista.

Halos tatlong taon na sa puwesto si Duterte at siguro naman ay kilala na natin siya, kahit papaano, pagdating sa mga binibitiwan niyang salita. Dapat alam na natin kung kailan siya seryoso at kung kailan nagbibiro.

Naniniwala ako na hindi ipagkakatiwala ng Presidente sa kamay ni GMA ang direksiyon ng kanyang administras­yon sa natitira niyang tatlong taon. Sa termino ni GMA bilang House leader, maraming priority bills si Presidente ang nabinbin (kabilang dito ang ukol sa ekonomiya at social services para sa mahihirap). 

Naging pabaya ang 17th Congress na pinamumunuan ni GMA sa pagpasa ng 2019 national budget na pinagsi­mulan pa ng hidwaan ng mga congressman at cabinet secre­tary. Hindi nga ba sumugod pa sa Kongreso sina Finance Sec. Carlos Dominguez III, ex-Budget Sec. Benjamin Diokno at Executive Sec. Salvador Medialdea at nakipag-shouting match sa mga mambabatas?

Alam ni Presidente Duterte na ang loyalty ni Congressman Martin Romualdez ay nakapako­ kay Gloria, bakit niya gugustuhing maging House Speaker ito?

Show comments