BALIK na naman sa dating problema ang Metro Manila --- nagkalat na basura na dahilan nang pagbaha. Lumang problema na ito at hanggang ngayon ay hindi pa masolusyunan. Wala pa ring makapagpatino o makapagdisiplina sa mga taong tapon nang tapon ng kanilang basura. Ang mga basurang itinapon sa estero, creek at ilog, ibinalik din at humantong sa kalsada. Namumulaklak ang kalsada sa mga plastic na basura. Ang ibang basura nanatili sa mga estero dahilan para lalong walang madaanan ang tubig-baha. Mayroon din namang inanod patungo sa Manila Bay. Pero kapag nagsungit ang panahon, ang mga basurang nasa Manila Bay, ibabalik din ng alon sa Roxas Boulevard.
Nang umulan noong Linggo ng madaling araw, maraming lugar sa Metro Manila ang binaha. Binaha ang España Blvd., Araneta Avenue, Quezon Avenue, Recto at Rizal Avenues at pati EDSA ay binaha na rin. Ang baha ay nagdulot ng grabeng trapik sa EDSA at España Blvd. Marami ang nabigla sa biglang pagbaha sa EDSA partikular sa mga tunnel sa Cubao area. At napag-alaman na kaya nagbaha sa mga nasabing lugar, dahil sa mga nakabarang basura sa daanan ng tubig. Dahil maraming basura ang nasa waterways, naipon ang tubig at umabot umano hanggang dibdib. Kahit may pumping station sa lugar hindi umubra sa dami ng mga nakabarang basura.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), bukod sa mga plastic na supot, marami ring dahon ng punongkahoy ang nakabara sa daanan ng tubig. Ayon sa MMDA, pinakamaraming nakuhang plastic na supot at mga dahon sa tapat ng Camp Aguinaldo kung saan malalim ang baha.
Kamakalawa, umulan na naman nang malakas at muli na namang bumaha sa Maynila at Quezon City. At gaya ng dati, basura na naman ang nakitang dahilan kaya bumaha. Barado ng basura ang mga daanan ng tubig kaya nagkaroon ng pagbaha. Bukod sa plastic na supot, marami ring sachet ng shampoo, coffee, cup ng noodles at iba pa ang nakabara.
Kailan magkakaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura ang mamamayan? Laging panawagan na isaayos ang pagtatapon ng basura pero walang nakikinig. Tapon dito, tapon doon ang ginagawa ng mga nakatira sa tabing estero o ilog. Kung hindi mapipigil ang mga ito sa pagtatapon ng basura, asahan na ang pagbaha sa mga darating pang panahon.