DAHIL hindi agad naaksyunan ng Kamara de Representante ang 2019 National Budget, natiwangwang ang mga priority projects ng Duterte administration lalo na ang Build, Build, Build. Kaya bago lumipad papuntang Bangkok, Thailand ang Pangulo, nanawagan siya sa Kongreso na bilisan ang pagpapatibay ng panukalang batas na ito sa pagbubukas ng session sa Hunyo 22.
Napapanahon ang ginawa ni Cong. Alan Cayetano nang nag-sponsor siya ng economic workshop para sa mga kongresista na dinaluhan ng mga kalihim ng DOF at DPWH at matataas na opisyales ng DOTR, BCDA at ng Build Build Build Team.
Sa ganito’y mauunawaan ng mga mambabatas kung ano ang mga priority programs ng administrasyon. Walang ibang layunin si Cayetano kundi susugan at ipatupad ang mga programang inilatag ng pangulo. At hindi ito magiging mahirap kay Cayetano lalo na sa pakikipag-usap sa Senado dahil naging miyembro sya nito ng siyam na taon.
Alam niya kung paano makikipag-usap sa mga Senador at sa mga kapwa kongresista kasi naging kongresista na din siya ng tatlong termino. Mayroon siyang kakayahan sa local governance dahil naging konsehal at vice mayor siya ng Taguig ilakip pa ang karanasan niya bilang Foreign Affairs Secretary.
Hindi rin nabahiran ang pangalan ni Cayetano sa isyu ng vote-buying patunay na tinitindigan niya ang kanyang prinsipyo laban sa katiwalian at korapsyon. Eh kung loyalty lang kay Duterte ang pag-uusapan, walang duda ang katapatan ni Cayetano. Mula sa pagkapanalo ni PRRD sa Taguig noong 2016 election at sa pamamayagpag ni Bong Go na trusted aide ni Duterte at iba pang Hugpong senators sa Taguig sa katatapos lamang na election.
At asahan niyo, hindi nito aatrasan ang pagsuporta sa anti drug campaign ng pangulo at sa pagtindig maging sa international courts sa mga kumikwestyon sa human rights policy ng pangulo.
Kaya naman, hinding-hindi agrabyado ang bansa kung si Cayetano ang magiging speaker of the house. Kung karanasan, galing, talino at iba pang kwalipikasyon ang pag-uusapan, ika nga, may nanalo na.