MARAMI pang ospital, clinic at dialysis center ang nagre-reimburse sa PhilHealth kahit wala namang naganap na dialysis session sa pasyente. Karamihan ay pinepeke lamang ang pirma ng pasyente para makasingil sa PhilHealth.
Una nang nabulgar ang WellMed Dialysis Center na may “bogus” dialysis claim sa PhilHealth at nabuking lamang sila nang ibulgar ng dalawang tauhan ang ginagawang panloloko. Kung hindi lumantad ang dalawang empleyado, tiyak na patuloy pa rin hanggang ngayon ang WellMed at sisimutin ang pondo ng PhilHealth. Kinasuhan na ang may-ari ng WellMed at nahaharap sa maraming kaso.
Ayon sa report, umabot na sa P154 bilyon ang “bogus” claims sa PhilHealth na ilang taon na ring ginagawa ng mga masisibang ospital at clinic partikular ang mga dialysis center. Kapag nasipsip nang lahat ng mga masisibang dialysis center at clinic ang pera ng PhilHealth, mamamatay ng dilat ang mga maysakit na miyembro. Wala nang gagamiting pondo sa kanila ang PhilHealth dahil naubos na ng mga masisiba.
Nararapat din namang imbestigahan ang mga opisyal at empleyado ng PhilHealth. Kung maigting ang paghahanap sa mga matatakaw na ospital, clinic at dialysis center, ganito rin dapat kahigpit ang pag-iimbestiga sa mga corrupt na opisyal at empleyado sa PhilHealth.
Hindi magkakaroon ng lakas ng loob ang mga masisibang dialysis center kung wala silang kakutsaba sa PhilHealth. Laganap ang corruption sa PhilHealth kaya naman pinag-resign ni President Duterte ang lahat ng mga opisyal nito. Nagalit ang Presidente sa nangyaring “ghost claims” kaya ipinaaresto ang may-ari ng WellMed.
Dapat namang purihin ang dalawang “whistleblowers” na naging dailan kaya nabisto ang masamang ginagawa sa WellMed. Sana ganito rin ang mangyari sa ibang clinic o ospital na patuloy na kumukuha ng claims kahit patay na ang pasyente. Lumantad na ang mga may malasakit at ibulgar ang kawalanghiyaang ginagawa ng mga ospital at clinic.
Kahapon, itinalaga na ni President Duterte ang bagong pinuno ng PhilHealth sa katauhan ni Ricardo Morales, dating Army General. Sana, sa pamumuno niya sa PhilHealth, wala nang maganap na korapsiyon.