NANG ideklara ni President Duterte na illegal, massive scam at large-scale estafa ang investment scheme ng Kapa International Ministry Inc., libong miyembro nito ang nagdaos ng prayer rally sa Quezon City at General Santos City upang iprotesta ang pagpapatigil sa nasabing get-rich-quick scheme.
Ilang ulit ipinaliwanag ng Presidente at awtoridad na illegal at mathematically impossible to sustain nga ang nasabing ponzi pyramiding scheme na sa huli ay kawawa ang mga maglalagak ng kanilang mga pera dahil wala na ngang makukuhang payout at puro na lang pay-in.
Unang-una illegal nga ang Kapa Ministry ayon sa Securities and Exchange Commission dahil walang kaukulang license upang kumalap ng investments na tinatawag nga nilang donations kung saan pinangakuan ang mga tao ng hanggang 500 percent return sa ini-invest nilang pera.
Kung ganun nga kataas ang interest na maibabalik sa iyo, sino ba naman ang hindi mae-engganyong maglagak ng pera. Kaya nga may nagbenta o nagsangla ng kanilang mga kalabaw at iba pang ari-arian upang i-invest sa Kapa sa pag-aakalang malaki ang maibabalik nito.
Nagpaumanhin ang Presidente sa mga nakapaglagay na ng malaking halaga sa Kapa dahil nga kailangan na itong ihinto o isara upang wala nang iba pang mabiktima.
Kaya nga mathematically impossible ang pangako ng Kapa at ng iba pang investment firms na katulad nito dahil kahit saang lupalop ng mundo, walang banko ang magbibigay ng ganoon kalaking interest sa mga tao.
Lantaran na nga ang panlolokong nangyayari kung saan tinawag ni President Duterte ang Kapa na large-scale scam, fraud at massive estafa na sa kalaunan kawawa ang investors nito dahil wala ngang matatanggap na payouts.
Siguro naman maaalala n’yo ang Legacy at ang Aman Futures Group na nagsara na lang at iniwang luhaan ang mga nag-invest sa kanila.
Ang tanging hangarin ng Presidente kaya ipinasara ang Kapa ay upang protektahan ang mamamayan sa mga mapagsamantalang nasa likod ng grupong ito.