KALIWA’T kanan, likod-harap, taas-baba ang paninira sa Tulfo Brothers. Kung anu-anong isyu ang ibinabato, magiba lang. Ganunpaman, tuloy-tuloy lang ang aming serbisyo publiko. Bukas pa rin ang aming mga tanggapan – kami rin sa BITAG Action Center.
Walang puknat ang pagtanggap namin sa mga nagsusumbong at nagrereklamo. Tuloy-tuloy pa rin ang strike ng BITAG Pambansang Sumbungan Team.
Noong Araw ng Kalayaan, dahil maluwag ang trapiko sa lansangan ay naisipan kong mag-ikot. Nakakataba ng puso, magmula sa coffee shop, sa Home Depot, convenience store at hanggang sa parking lot, sige ang lapit ng tao para magpa-selfie at sumesenyas ng thumbs up.
Totoo pala ang salitang “under dog”. Habang pinahihiya kami sa media, habang bina-bash at tinatawag ng kung anu-ano, mas lalong napalapit kami sa publiko. Maraming-maraming salamat sa inyong suporta at tiwala sa aming magkakapatid – Raffy, Erwin at ako si Ben (ang bastos daw).
Humihingi ako ng pasensiya sa mga ayaw sa pagkatao ko, ganito na kasi talaga ang tabas ng aking mukha at dila noong ipinanganak ako. Salamat sa Diyos dahil pinalaki ako ng aking ama’t ina na may malasakit sa kapwa. Eto ang propesyon at talentong hinding-hindi ko tatalikuran. Manggigil man kayo sa akin dahil sa kayabangan ko, bahala kayo sa buhay n’yo basta sa katotohanan ako.
Kamakailan lang, isang Pinay domestic helper sa Saudi Arabia ang agarang napauwi ng BITAG Pambansang Sumbungan. Ito’y sa ora mismong pakikipagtulungang ginawa rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Gaya ng ibang OFW na nakaranas ng pang-aabuso ng kanilang amo, ang nakauwi ng Pinay ay binubugbog, kinukulong at ginugutom ng Arabong employer. Hawak din ng amo ang kanyang passport kaya hindi siya makauwi ng bansa.
Ang mga ganitong sumbong, life threatening nang maituturing, hindi na kailangan pang pag-intayin ng 5 araw. Bawat minuto ay mahalaga at kung papatay-patay ka lalo na kung ika’y taong gobyerno, kawawa ang mga taong nangangailangan ng tulong.
Ang mensahe kong ito ay para sa lahat, wala akong pinatutukuyan. Sa trabaho naming ito, oo marami kaming nakakairingan na tanggapan, pribado man o pampubliko. Kung iintindihin namin ang galit ng kahit sinong Poncio Pilato, hindi magkakaroon ng mabilisang tugon ang mga hinaing at sumbong ng mga agrabiyado.
Kaya gibain man, tutulong at tutulong pa din kami. Katuwang kami ng pamahalaang ito na maabot at matulungan ang mga tao sa ibaba na hindi agad nakikita ang pangangailangan. Hindi kami kaaway pero kung bruskuhan ang tanging paraan para kumilos ang mga tulog sa pansitan, pasensiyahan na. Hambalos ang katapat ng mga tamad, prima donna’t pa-diva.