EDITORYAL - Palayain sa mga kurakot

IPINAGDIRIWANG ngayong araw na ito ang ika-121 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas sa mga Kastila. Malayo na ang narating ng bansa mula nang iwagayway ni Gen. Emilio Aguinaldo ang watawat sa balkonahe ng kanyang bahay sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898 at ipinahayag ang kalayaan ng Pilipinas sa mga Espanyol. Kasunod ng dekla­rasyon ay ang pagtugtog ng Pambansang Awit.

Nakalaya ang bansa sa mga Kastila. Nakalaya rin sa mga Amerikano. Pero may isang mananakop na hindi pa nakakalalaya ang mga Pilipino – walang iba kundi sa mga kurakot! Ayaw bumitiw ang mga kurakot at pinagsasamantalahan ang kabang yaman ng bansa. Dahil sa mga kurakot na ito kaya nananati­ling dahop ang buhay ng nakararaming Pilipino. Dahil sa pangungurakot, nauubos ang perang dapat ay mapunta sa serbisyo publiko. Nawawaldas ang perang para sa pagpapaunlad ng bayan. Kinukurakot ang pondo para sa pagpapagamot ng mga maysakit. Nililimas ang pera para sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay, pabahay at iba pang proyekto para sa ikauunlad ng bayan.

Talamak ang korapsiyon sa Bureau of Customs. Maski ang shipment ng shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso ay nakakapasok dahil sa kutsabahan ng mga kurakot na opisyal at empleado. Nagtata­kipan para makalusot.

Walang patid ang korapsiyon sa Bureau of Immig­ration. Piniperahan ang mga dayuhang overstaying. Tinatakot at pinasusuka ng pera para hindi hulihin.

May korapsiyon sa PhilHealth. Kahit patay na ang dina-dialysis, patuloy pa ring sumisingil sa health insurance. Nagagawa ito ng dialysis center o ospital sapagkat mayroong kakutsabang korap na opisyal at empleado sa PhilHealth. Kailangang linisin sa mga korap ang nasabing tanggapan.

Palayain sa mga korap ang mamamayan. Nakalaya na sa mga Kastila at Amerikano pero mas ma­tindi pa ang pumalit sapagkat parang mga linta kung sumipsip sa pondo ng bayan. Uunlad lamang ang Inambayan kung malilipol ang mga korap na nagpapahirap.

Kung aalisin ang mga korap, huwag nang ililipat sa ibang tanggapan upang hindi na makahawa.

Show comments