KAPAG nabangga o nahulog sa bangin ang sasakyan, ang karaniwang dahilan ng driver ay nawalan daw ito ng preno. Laging ganito ang dahilan ng mga driver at tinatanggap naman ng lahat. Ano ang magagawa kung nawalan ng preno. Ginawa na raw ang lahat para mapigilan ang pagbangga o pagkahulog sa bangin pero wala na raw talagang magagawa dahil ayaw nang kumagat ang preno. At pagkatapos nito, wala nang ginagawa ang mga awtoridad, dahil ano ang magagawa sa nasirang preno.
Pero kung mag-iimbestiga lamang nang seryoso ang Land Transportation Office (LTO), matutuklasan nila na ang kamangmangan ng mga driver ang dahilan kaya nahulog, bumangga at bumaliktad ang minamanehong sasakyan. Kasalanan ng driver kaya sinapit ang trahedya at idinamay pa niya ang mga kawawang pasahero. Ang driver na mangmang ang nagdala sa kanyang mga pasahero sa hukay.
Kamangmangan ng driver ang hindi pag-iinspeksiyon sa sasakyan bago ibiyahe. Kahit pudpod ang gulong, sige lang sa pagtakbo at pagdampot ng pasahero. Kamangmangan ang pagkakarga nang marami kahit na hindi na kaya ng sasakyan. Kamangmangan ng driver na magpatakbo nang mabilis kahit palusong at pakurbada. Kamangmangan na hindi alam ang ibig sabihin ng mga road signs.
Kahapon, isa na namang pampasaherong dyipni ang nahulog sa bangin na ikinamatay ng pitong pasahero. At gaya ng dati, nawalan din ito ng preno. Nangyari ang trahedya sa San Mariano, Isabela. Ayon sa mga nakaligtas, punumpuno ang dyipni.
Noong Sabado ng hapon, isang dump truck na ginawang panghakot ng tao ang bumaliktad sa palusong na lugar sa San Fernando, Camarines Sur na ikinamatay ng 14 na tao. Galing sa pamamanhikan ang mga biktima. At gaya ng dating alibi, nawalan din ng preno. Overloaded ang truck at mabilis ang takbo sa palusong na lugar.
I-educate ang mga driver. Pangunahan ito ng LTO. Kung hindi imumulat ang mga mangmang na driver, marami pang mamamatay sa kalsada. Simulan na ito para mailigtas sa trahedya ang mamamayan.