EDITORYAL - Panganib ng dengue sa mga bata
ISA sa mga kinakaharap na problema ng mga batang nag-aaral sa pampublikong eskuwelahan ay ang panganib ng dengue. Kahit pa nagkaroon ng “Brigada Eskuwela” at nilinis ang mga classroom at paligid, hindi pa rin garantiya na ligtas ang mga bata sa iba’t ibang sakit partikular na ang dengue na hatid ng lamok na Aedes Aegypti. Magsisimula na ang tag-ulan ayon sa PAGASA at ito ang panahon na naglipana ang mga lamok na may dengue.
Ayon sa Department of Health (DOH) mula Enero hanggang Mayo ng kasalukuyang taon, 70,000 kaso ng dengue ang naitala ng tanggapan. Mataas ito kaysa sa naitala noong nakaraang taon na 39,449 cases. Halos doble ang naitaas ng bilang at ayon sa report, maaari pang dumami ang mga biktima ng dengue ngayong nagsisimula na ang tag-ulan.
Mas marami rin ang naitalang namatay sa dengue ngayon --- 312, kumpara sa mga namatay noong 2018. Karaniwang mga bata ang nagka-dengue. Mataas ang bilang ng mga nagka-dengue sa Calabarzon na may kabuuang 8,150 at ang mga namatay ay umabot sa 33. Marami rin ang nagka-dengue sa Western Visayas at Northern Mindanao.
Mula nang magkakontrobersiya sa Dengvaxia vaccine noong 2016, dumami ang nagka-dengue. Marami kasing magulang na natakot na pabakunahan ang kanilang mga anak. Ayon sa report maraming bata na binakunahan ng Dengvaxia ang namatay.
Pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran ang nararapat para makaiwas sa nakakamatay na dengue. Takpan ang mga drum, timba at iba pang lalagyan ng tubig para hindi pangitlugan ng lamok. Itapon ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at iba pang posibleng breeding ground. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok.
Palawakin ng DOH ang pagbibigay ng inpormasyon sa mamamayan ukol sa dengue. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo na ang mga nasa liblib. Isama sa mga aralin sa school ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran para malipol ang mga lamok. Pagsuutin naman nang mahabang manggas o jogging pants ang mga bata para proteksiyon sa kagat ng lamok habang nasa classroom.
- Latest