NANG ang bagong halal na governor ng Quezon na si Danilo Suarez ay isa pang mambabatas, ang passion niya ay la-ging ipaglaban ang nauukol sa sapat, espisyente at murang elektrisidad. Ngayong governor na siya, masusubukan ang “apoy” ng kanyang passion sa paglutas sa power crisis sa sariling probinsya.
Anang mga eksperto, malamang dumanas ng matin-ding power crisis ang bansa. Kasi, inobliga agad ng Korte Suprema ang mga distributor ng kuryente na isailalim sa competitive selection process (CSP) ang mga power supply agreements (PSA) na isinumite sa Energy Regulatory Commission (ERC). Dahil diyan, tatagal ang proseso ng pagtatayo ng mga bagong planta.
Nang si Suarez pa ang lider ng minorya sa Kamara de Representante, hinihikayat niya ang gobyerno na ikonsidera ang mga praktikal na solusyon sa pagtugon sa tumataas na singil sa kuryente at ang posibleng kakulangan sa supply. Tutol si Suarez na payagan ang mga banyaga na magmay-ari ng planta ng kuryente kaya ginawa nya ang House Bill no. 5209 o ang “An Act Limiting the Ownership and Operation of the National Grid Corporation of the Philippines (NGCP)”.
Sa tingin ko, nasa kamay ni Suarez ang impluwensya at kapangyarihan upang ipatupad ang mga socio-economic development plans sa probinsya, kasama na ang pagtatayo ng mga bagong planta ng kuryente na sang-ayon sa mga pamantayang nakalahad sa batas upang tugunan ang nagbabadyang power crisis ’di lamang sa Quezon kundi sa buong bansa.
Sa oras na mabigyan ng pahintulot ng ERC at matapos sumailalim sa CSP, ang ultra-supercritical coal-fired na planta ng kuryente na gagamit ng makabagong “high efficiency, low emission” technology na may kapasidad na 1,200 Megawatts na itatayo sa Atimonan, inaasahang makikinabang ang lalawigan pati ang ibang bahagi ng bansa. Madaragdagan din ang baseload na supply ng kuryente sa Luzon bilang tugon sa numinipis na reserba nito sa rehiyon, more supply, lower electricity cost, di ba?
Nagpoprotesta naman ang mga environmentalist dahil ang gusto nila ay agad lumipat sa renewable energy. Pero tama si Suarez. Dapat maging makatotohanan ang madalas sa usapin ng pagtatayo ng imprastraktura para sa renewable energy. Iyan ang malaking hamon na haharapin ng new Governor.
Ang paglipat sa renewable energy ay kinapapalooban ng matagalang pagpaplano at preparation. Hindi tayo puwedeng maghintay nang matagal at dapat, pansamantalang gawin at aprubahan ang konstruksyon at operasyon ng mga plantang makakapagbigay ng murang kuryente gamit ang makakalikasang teknolohiya. Ito ay isang win-win na sitwasyon para sa bansa habang dahan-dahan nitong tinatahak ang paglipat sa renewable energy.