Ang topic na pang pinansyal ay karaniwang pinag-uusapan ng mga magulang at ng mga may pamilya na. Sa madaling salita, ito ay usaping “pang matanda na.” Hindi natin ito masyadong naririnig na pinag-uusapan ng mga kabataan, na madalas mas abala sa ibang bagay tulad ng kung ano ang trending sa social media, Korean drama, K-pop, fashion trends, bagong milk tea shops, at mobile legends.
Nakakalungkot mang isipin, pero lumaki ang isang henerasyon na marunong gumastos pero hindi marunong mag-ipon at magtipid ng pera.
Pero malapit na sa wakas ang tugon sa ganitong problema.
Kamakailan ay nilagdaan ni Education Secretary Leonor Briones ang isang memorandum na nagbigay-daan para ipamahagi ang mga financial literacy learning resources sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Katuwang ng DepEd ang BDO Foundation at Bangko Sentral ng Pilipinas sa kampanyang ito, na nagnanais isulong ang financial education program sa pamamagitan ng K to 12 curriculum.
Kabilang sa mga materyales na ipinamahagi ay mga educational videos, lesson plans at discussion guides tungkol sa usapin sa pagtitipid, pagbu-budget, at pag ne-negosyo. Ang mga nasabing financial education videos, lesson plans at discussion guides ay dinevelop ng BDO Foundation, BSP at DepEd.
Dahil sa mga kaganapang ito, maaari nating asahan na kahit sa lebel pa lang ng kindergarten at elementarya ay maituturo na ang mga kahalagahan ng pagiging responsable sa paghawak ng pera.
Kahalagahan ng matuto habang bata pa
Natatandaan mo pa ba ang mga turo at habilin ng iyong mga magulang o lolo at lola noong bata ka pa?
Ang pagbigay-galang sa mga mas nakatatanda sa pamamagitan ng pagmano at pagsabi ng “opo,” ang tamang asal sa pananalita sa pamamagitan ng paggamit ng “please”—lahat ng mga asal at kaugalian na ito ay natutunan at tumatak sa atin noong tayo’y mga bata pa lamang.
Ang kahalagahan ng pag-iipon at wastong paggamit ng pera ay maaari ring maging parte ng buhay at kaugalian ng isang tao kung ang mga ito’y naituro na sa kanya habang bata pa lamang siya.
Katuwang din ang magulang
At syempre, napakalaki ng partisipasyon ng mga magulang at mga guro sa pagpapatupad nito. Ang mga magulang ay ang magsisilbing gabay kung ang mga bata ay nasa kanilang pamamahay at ang mga guro naman kung nasa eskwela sila. Tiyak na magiging mas madali ang application ng mga natutunan kung nagpa-participate ang mga magulang at guro sa teaching at learning process.
Nasa diskarte at pamamaraan ‘yan ng mga magulang at guro upang gawing kaaya-aya ang usapin tungkol sa pera. Pwedeng ituro ito sa pamamagitan ng isang istorya kagaya na lamang ng mga bed time stories na inaabangan talaga ng mga bata, ‘di ba?
Mag-umpisa na silang mag-iIpon at mag-negosyo
Pwede ring i-involve ang mga kabataan sa mga practical applications kagaya ng pagbabayad sa grocery o palengke; pwedeng sila ang mag-compute ng kung magkano ang babayaran at magkano ang kanilang ibabayad—kung may sukli ba o wala. O ‘di ba, mukhang magiging exciting na learning experience ito para sa mga kabataan.
Ilan lamang ito sa mga exciting na topics na maaaring ituro sa mgakabataan.
Importante na makita nila ang kaibahan ng needs at wants—alin dito ang importante at alin ang hindi gaano. Ang pag-iipon din ay isang produkto ng habit, kapag bata pa lamang ay nakasanayan ng mag-ipon, hindi na ito magiging mahirap sa kanila kung sila ay nasa tamang edad na.
At syempre ang pagnenegosyo nandiyan din; marami sa mga successful na negosyante sa bansa ay namulat na sa pagnenegosyo sa murang edad. Malay mo, ang batang tinuturuan mo ngayon ng basic lessons ng pagnenegosyo ay isa pala sa mga future business icons ng bansa sa hinaharap!
Napakarami talagang advantages kapag naipatupad ang mga plano ukol sa pagsulong ng Financial Literacy sa kabataan. Sabi nga ni Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan!”
Think. Reflect. Apply.
Kaibigan, naniniwala ka ba na ang kabataan ang pag-asa ng bayan?
Importante bang bata pa lang ay may kaalaman na tungkol sa pera?
Ikaw, tinuturuan mo na rin ba ang anak mo na mag-ipon o humawak ng pera?
P.S. You can read the book “Rasing Up Moneywise Kids” para gabayan kayo kung paano turuan ang inyong anak sa paghawak ng pera.
Upang alamin ang financial literacy campaign ng BDO Foundation at iba pa nilang activities, magpunta lamang sa https://www.bdo.com.ph/foundation/home.