NAKAAALARMA ang report na 8 sa 10 suka na nasa pamilihan ngayon ay may halong acetic acid na delikado sa kalusugan. Ayon sa report, dahil may kahalong kemikal ang mga sukang nasa merkado, maaari itong maging dahilan nang pagkakasakit gaya ng Parkinsos’s disease, cancer at iba pang degenerative ailments. Umano, ang mga synthetic vinegars ay petroleum based kaya lubhang delikado kapag na-consumed.
Unang napabalita ang mga “pekeng” suka nang isiwalat ito ng Department of Agriculture. Tukuyin daw agad ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga huwad na suka para makagawa ng hakbang laban sa mga ito. Ayon pa sa Agriculture department, nararapat maglabas ang FDA nang kumpletong listahan ng mga pekeng suka na nasa merkado at nang mabigyang babala ang mamamayan laban sa mga ito.
Ganunman, wala pang nakikitang paggalaw sa FDA at hanggang sa kasalukuyan, hindi pa pinapangalanan ang mga pekeng suka na nasa pamilihan. Araw-araw pa ring ginagamit ng consumers ang mga suka. Isa ang suka sa paboritong sawsawan ng mamamayan kaya nararapat na malaman kung alin sa mga ito ang peke na maaaring maging dahilan nang pagkakasakit.
Lubhang delikado kung ang pagkain o sangkap sa pagkain gaya ng suka ang ipipeke para lamang kumita ng pera ang mga hidhid na negosyante. Para sa mga ito, kahit na mamatay ang mga makagamit ng suka, balewala lang basta ang mahalaga, kumita sila nang limpak. Wala silang pakialam kung anuman ang mangyari sa mamamayan.
Dapat namang kumilos agad ang FDA para mapangalanan na ang mga suka na nasa pamilihan. Hindi na dapat tinutulugan ang ganitong seryosong usapin. Kapag napangalanan na ang mga pekeng suka ay agad hakutin at basagin ang mga ito para wala nang makabili.
Ipagharap naman ng kaso ang mga taong mahuhuli na nasa likod ng pamemeke ng mga suka. Bulukin sila sa bilangguan kapag napatunayang nagkasala. Hindi na sila dapat bigyan pa ng pagkakataon.