Todong pagreporma ang solusyon sa NAIA

SABI ni President Duterte nababagalan ng pagpapa­tupad ng mga pinangako niyang reporma. Kailangan daw niya ng Gabinete at burokrasya na mabilis tumupad sa mga utos.

Iniehemplo niya ng nakakainip na appointees ang management ng Manila International Airport. Hindi raw malutas ang runway congestion, kaya parating atrasado ang paglipad at paglapag ng airlines. Mahahaba ang pila sa security check, na nakakapagod sa pasaheros. Malamang, bagamat napapaligiran ng presidential security, personal niyang nakikita ang gulo. Binalaan niya ang NAIA management. Kapag hindi raw umigi ang pala­kad, ipahahalili niya roon ang Air Force.

Imposibleng solusyon ‘yon. Tiyak tutuligsain ang legalidad ng pag-deploy ng militar sa ahensiyang sibilyan na MIA Authority, na maari lang kung state of emergency. Bukod du’n atrasado rin ang kaalaman ng Air Force sa pagpapatakbo ng modernong airport. Kasi naman atrasado rin ang mga eroplano at kagamitan nu’n. Nu’ng nakaraang admin, retiradong Air Force general ang GM ng MIA. Bukod sa korapsiyon -- laglag-bala -- naghari rin ang kapalpakan -- malawakang blackout dahil hindi charged ang emergency batteries.

Kailangan sa MIA ay episyenteng management. Hindi uubra ang mga retiradong airline managers na ibinalik sa active duty. Luma na ang kaalaman at malalamya na sila. Ang inaatupag lang sa MIA ngayon, paratang ng dalawang MIA Authority board members, ay overpriced na pagpapaganda ng NAIA Terminal-2. Samantala, blacklisted ang MIA ng U.S. Dept. of Homeland Security dahil sa palpak na perimeter security. Napahamak tuloy pati ang mga airlines na patungong America. Ang kailangan ay malawakang retraining ng tauhan at upgrade ng kagamitan. Pero masdan ang MIA side gates. Tuwing tanghali iisang guwardiya lang ang nakatanod imbes na dalawa o tatlo. Kasi ‘yung iba, sabay-sabay na nanananghalian ng rasyon ng tindera. Hay!

Show comments