NAGTULUNG-TULONG ang mga guro, estudyante at mga magulang sa paglilinis ng mga silid aralan kahapon sa paglulunsad ng Brigada Eskuwela. Kaagapay nila ang iba’t ibang local government unit at tanggapan ng pamahalaan gaya ng DPWH. Dapat suriin ng DPWH ang mga gusali ng paaralan upang masigurong ligtas ito sa lindol. Nag-inspection na si Sec. Mark Villar. Malaki rin ang papel ni DOH Sec. Francisco Duque III sa pag-iinspeksiyon sa buong kapaligiran dahil sa banta ng dengue. Dapat namang pagtuunan ng pansin ng local officials ang pagdami ng vendors sa paligid ng mga paaralan kung saan pinababayaan nilang langawin ang kanilang paninda. At dahil maraming drayber ngayon ang barumbado sa pagpapatakbo, dapat magtalaga ng traffic enforcers ang LGUs.
Abala rin si NCRO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa kapakanan ng mga estudyante. Ipinag-utos ni Eleazar sa 5 police districts ang pakikilahok sa Brigada Eskuwela. Lumahok din ang PDEA. Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino naglaan sila ng P5,000 bawat Regional Office na pambili ng gamit. Malaki ang papel ng PDEA upang maobserbahan ang mga paaralan sa naglipanang drug pushers. Hindi naman kaila na ginagamit na ng drug syndicate ang mga estudyante.
Sa Urdaneta City, Pangasinan, pinangunahan ni P/Lt. Col. John Guiagui ang kanyang mga tauhan sa pagsagawa ng paglilinis ng mga paaralan doon. Ayon kay Guiagui magtatalaga siya ng mga pulis sa paligid ng mga school upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at hindi mabiktima ng mga masasamang loob at nagtutulak ng droga. Inatasan naman ni Police Regional Office 1 Director BGen. Joel Sabio Orduña ang mga pulis sa Pangasinan, La Union, Ilocos Norte at Ilocos Sur na makilahok sa Brigada Eskuwela.
Ang pagsama-sama ng mga ahensiya ng pamahalaan ay malaking bagay upang maging ligtas ang mga paaralan ng bansa. Sana’y hindi lamang sa tuwing magbubukas ang school ganito ang senaryo kundi sa buong panahon ng pag-aaral ng mga bata. Ito ang aking susubaybayan!