Nabasa ko ang inyong editorial na may pamagat na “Dapat ma-educate ang mga botante”. Naniniwala ako sa inyong opinion na marami pa ring “bobotante” sa kasalukuyan at muli na naman itong nakita sa katatapos na election. Paniwala ko, ang kamangmangan ng mga botante ang dahilan kaya hindi umuunlad ang ating bansa.
Sa aking pananaw, dahil sa maling pagboto sa mga kandidato, nasasayang ang panahon at lumilipas na wala namang nagagawa ang mga ibinoto ng mga “bobotante”. Halimbawa na lamang ay sa pagboto ng mga senador. May mga senador na ibinoto dahil sa nakilala sila bilang artista. Dahil kilalang-kilala at napapanood sa pelikula o TV, ito ang mga ibinoto gayung mayroon namang nakahihigit ang kuwalipikasyon at may magagawa para sa mamamayan.
Kahit na alam ng mga botante na walang nagagawang batas ang mga reeleksiyunistang kandidato para senador, ibinoto pa rin nila. Kahit na alam nilang “nagbubutas lamang ng silya” sa panahon ng session, ibinoto pa rin at nakakuha pa nang maraming boto. Wala man lang maibahagi ang ibinotong kandidato para sana sa ikauunlad nang mga mahihirap.
Sino po ba ang dapat magpaalala sa mamamayan na dapat ay maging matalino na sa pagboto? Na dapat bago bumoto, nasaliksik na niyang mabuti ang kuwalipikasyon ng kandidato. Dapat alam na niya kung mayroon na bang napatunayan ang kanyang iboboto lalo na sa paglilingkod sa mamamayan. Dapat alamin muna ang tract record ng kandidato. Saliksikin din kung mayroon itong mga kaso.
Sa obserbasyon ko noong nakaraang eleksyon, nagtungo ang mga botante sa voting centers na walang kaalam-alam sa kanyang mga iboboto. Kapag nakaupo at kaharap ang balota saka pipili ng kandidato. At kung sino ang natatandaan niya na nagkaroon ng patalastas sa TV, yun ang iboboto niya.
Hindi sana ganito ang gawing pamantayan ng botante sa pagpili ng iboboto. Dapat magsaliksik muna sa pagkatao ng kandidato at hindi dahil sikat o kilala ay ito na ang iboboto. Tayo rin ang kawawa kapag ganito ang batayan sa pagboto. Dapat maging matalino na sa susunod na elections. ---DONNA MARIA HORCAZITAS, Parañaque City