EDITORYAL - Sawatain ang vote buying
INAMIN ng Philippine National Police (PNP) na naging talamak ang vote buying sa katatapos na election. Ayon kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde, nakaaresto sila ng 440 katao na sangkot sa vote buying. Isang araw bago ang election, isang kandidato sa pagka-mayor sa Quezon City ang inaresto ng mga pulis dahil sa vote buying at obstruction of justice. Marami ring naaresto sa Cavite dahil sa pamimili ng boto. Hanggang sa huling araw ng pangangampanya, patuloy ang pamumudmod ng pera upang masiguro ang panalo sa election.
Nakakadismaya naman ang sinabi ni President Duterte ilang araw bago ang election na nakaugalian na ang vote buying sa bansa. At hindi raw masama kung magbigay ng P50 sa botante ang kandidato para sa pamasahe nito patungo sa presinto at sa pag-uwi.
Hindi pala ito masama sa pananaw ng Presidente. Dahil dito. malamang na hindi na matatapos ang pamimili ng boto sa bansa dahil okey lang pala ito. Kahit pa P50 lang para sa pamasahe, pagbili na rin iyon ng boto. Malaki man o maliit ang perang iniabot ng kandidato, binayaran pa rin niya ang boto. Isang simpleng paraan iyon ng vote buying. Sa mga nahuli sa Cavite, tig-P500 ang ibinibigay sa mga botante.
Ang ini-expect sanang marinig sa Presidente ay ang pagkondena sa vote buying at gusto niyang matigil na ang masamang praktis na ito. Pero dahil sa sinabi niyang hindi naman daw masama ang vote buying dahil nakaugalian na, malamang hindi na matutuldukan ang masamang praktis na ito sa bansa kung panahon ng election.
Kung ganito ang pananaw ng Presidente, huwag nang lumikha ng mga batas laban sa vote buying. Sayang lang ang paghihirap para makalikha ng batas sa mga namimili ng boto. Dahil din sa pananaw na okey lang ang vote buying, hindi na mag-aaksaya ng panahon ang mga pulis na arestuhin ang mga bumibili ng boto. Bakit pa sila manghuhuli ng mga nagbo-vote buying e payag naman ang Presidente sa praktis na ito. Hayaan na lang ang mga bumibili ng boto.
- Latest