EDITORYAL - Kailangang ma-educate ang mga botante
MAPAYAPA ang nakaraang eleksiyon. Walang naitalang kaguluhan. Bagama’t may mga nag-aberyang vote-counting machines (VCMs), hindi naman ito maituturing na serious problem at ayon sa Commission on Election (Comelec) ay agad nilang natugunan.
May mga naitalang vote buying pero gaya ng sinabi ni President Duterte okey lang naman daw kung magbigay ang kandidato ng P50 para pamasahe ng botante. Wala naman daw masama rito.
Ang isa sa pinakamasagwang nangyari sa nakaraang eleksiyon ay naging kapansin-pansin na hindi pa rin gaanong nae-educate ang mga botante sa pagpili ng kanilang iboboto. Marami sa kanila na kung kailan nasa voting center na saka lamang iniisip kung sino ang iboboto. Mayroon pang nagtatanong sa kakilala o kasama kung sino ang dapat niyang iboto,
May mga botante na nagkukuwentuhan kung sino ang kanilang iboboto at halatang hindi nila napaghandaan ang araw ng pagboto sapagkat nagbabagu-bago sila ng isip kung iyon nga ang iboboto. Ibig sabihin, nagtungo sila sa presinto na walang alam kung sino ba talaga ang iboboto. Umaasa na lang sila sa maaaring sabihin ng kaibigan o kakilala o kaya ay ang maririnig nila.
Bahala na. Ito ang karaniwang naiisip ng mga botante kapag pumipili na ng kanilang iboboto. Kung sino na lang ang kanyang maisip. Kung sino ang maalala niya sa patalastas sa TV, iyon na lang. Kaya ang nangyayari, nagtungo lang ang botante sa presinto hindi dahil sa gusto niya ang binoto kundi para masabi na siya ay bumoto. Pero sa katunayan, nasayang ang kanyang boto dahil hindi niya napag-isipang mabuti ang taong isinulat sa balota.
Kailangang ma-educate ang botante. Kailangang mawakasan na ang kamangmangan sa pagboto. Dapat mamulat na ang marami sa tamang pagpili ng mga iluluklok sa puwesto. Sana, makagawa ng hakbang ang pamahalaan ukol dito.
- Latest