KUNG mayroon mang nadidismaya sa pagkakaloob ng piyansa kay police Lt. Col. Rafael Dumlao sa kasong kidnapping at pagpatay sa negosyanteng Koreano, ito ay ang kanyang maybahay at ang pamahalaan ng Korea mismo. Sa loob ng tatlong taon, mula nang simulan ang pagdinig sa kaso, pagkakalooban lang pala ng piyansa ni Judge Irin Zenaida Buan ng Angeles City Regional Trial Court ang police officer na tinukoy na “utak” ng karumal-dumal na krimen.
Nagpapakita lamang ito ng kabagalan at kahinaan ng sistemang katarungan sa bansa. Bagama’t pinayagang magpiyansa sa isang krimen na hindi naman dapat, pinagbawalan naman ng korte si Dumlao na makapagbiyahe o makalabas ng bansa. Hindi naman pinayagang makapagpiyansa ang dalawa pang sangkot sa krimen na kinabibilangan ng dating pulis na si Ricky Sta. Isabel at errand boy na si Jerry Omlang.
Maaaring dismayado rin si President Duterte sa nangyari sapagkat siya mismo ang nag-akusa kay Dumlao na “utak” sa pagkidnap at pagpatay kay South Korean businessman na si Jee Ick-joo noong Oktubre 2016. Kinidnap si Jee sa bahay nito sa Angeles City, Pampanga at nagdemand ng P8 milyon ransom sa maybahay nito.
Nagbigay ng P5 milyon ang maybahay pero sa halip na palayain, dinala si Jee sa Camp Crame at pinatay sa loob mismo ng police headquarters. Dinala ang bangkay sa isang punerarya sa Caloocan na pag-aari ng isang dating pulis at iniutos i-cremate. Pagkatapos i-cremate, itinapon ang abo sa inidoro.
Nahuli ang mga pulis na sangkot pero nagtago si Dumlao. Nangako si Duterte sa biyuda ni Jee na makakamit ang hustisya at agad iniutos ang paghuli kay Dumlao “patay man o buhay” at nag-offer pa ng reward. Nadakip si Dumlao.
Mabagal at mahina ang justice system sa bansa. Hindi malaman kung kailan matatapos ang kasong ito. Hanggang kailan maghihintay ang biyuda ni Jee na makamit ang hustisya. Hindi lamang ang kasong ito ang nagpapakita na kahinaan at kabagalan. Marami pang kaso na nakatambak at tila wala nang pag-asang masolusyunan pa.