EDITORYAL - Maging maingat sa pagpili ng iboboto
MARAMI ang hindi nag-iingat sa pagpili ng kanilang iboboto. Maraming eleksyon na ang naganap sa Pilipinas mula nang maibalik ang demokrasya noong 1986 pero hanggang sa ngayon, marami pa rin ang hindi nag-iingat sa pagpili ng iluluklok sa puwesto.
Sa mismong araw ng eleksyon, nagbabago ang desisyon ng botante at naiiba ang naisusulat sa balota. Karaniwan lang naman ang ganito ito sapagkat lahat ay may karapatang pumili ng gustong kandidato.
Pero ang masama, nagbago ang desisyon ng botante dahil nahikayat lang siya ng kanyang kaibigan, kumpare, kumare, kapitbahay na iboto ang manok nila. Sige na nga! Isang boto lang naman! Ang ilan, nagbago ang diskarte sa iboboto dahil naabutan ng pera ng kandidato. Ipinagbili niya ang boto!
Mahalaga ngayong araw na ito ang pag-iingat sa mga taong iluluklok sa puwesto. Maging mapili at mapanuri. Isang magandang pagbasehan ay ang track record ng kandidato. Mahalaga ito sapagkat dito makikita na mayroon siyang kakayahan na makagawa ng mga ikabubuti at makatutulong para sa ikauunlad ng mamamayan. Kung hindi makikitaan ng ganitong kuwalipikasyon ang kandidato, huwag siyang iboto.
Mahalaga ring basehan nang pagpili ay ang dignidad ng kandidato. Hindi ba siya sangkot sa anumang anomalya, pandaraya at iba pang masamang gawain. Napakahalaga nito sapagkat ang pagsisilbi sa bayan ay nangangailangan nang malinis na pagkatao.
Hindi makapagsisilbi nang lubos ang taong may mga bahid ang dangal. Mananaig ang kanyang kasamaan kapag nakakapit na sa puwesto. Sa una ay magmumukha siyang maamong tupa at kapag nailuklok na ay mas masahol pa sa mabangis na leon at buwaya.
Mahalagang paalala ngayong araw na ito, maging maingat sa pagpili ng mga taong iboboto. Maraming beses isipin kung ang iluluklok sa puwesto ay siyang karapat-dapat. Suriin muna ang kandidato bago iboto. Hindi na dapat magkamali sa pagkakataong ito.
- Latest