KAKAIBA ang political ad ni Senatorial bet Bong Revilla. Mga animated character na parang mga daga na nagsasayaw sa tugtog ng Budots habang nakahilera ng malaking number 16. Walang pangako. Basta sa bandang huli ay sinabi niya: “Bong Revilla po, number 16 sa balota” tapos sumayaw na kasama ang ilang bata at matanda na galing sa iba’t ibang aspeto ng buhay.
Pinagtawanan ito ng mga kritiko ni Revilla. Wala raw kuwenta at pinabanatan na naman sa social media.
Pero sa kabila nito, pinuri ng mga eksperto sa political ads na napakahusay daw ng nag-isip nito dahil pantagal-umay nga naman sa rami ng halos magkakaparehong tema ng political ads.
Mahirap sa isang kandidato na kalalaya pa lamang matapos maabsuwelto ay muling hikayatin ang suporta ng tao. Disyember 7 nung nakaraang taon lamang nang napawalang sala si Revilla. Halos ilang buwang preparasyon lamang para makapangampanya ngunit nagtagumpay siya sa pagkuha sa suporta ng tao.
Anang mga close-in staff niya, sobrang sipag nitong dating Senador at hindi sila halos makasabay sa galaw niya sa pangangampanya. Kahit puyat sa gabi ay gising na ng madaling araw.
May kahirapan ang kanyang simula dahil bukod sa desisyon ng Sandiganbayan ay hindi na niya magawang magpaliwanag sa taumbayan dahil diretso kampanya na. Hindi rin tumigil ang mga kalaban niya sa pagbanat gamit ang social media kaya doble-hirap ang pinagdadaanan ni Revilla. Iba-iba ang diskarte ng mga kandidato sa kanilang mga tv commercial para ipaalam sa taumbayan ang kanilang mga plataporma. Pero tila ang ad lamang ni Revilla ang nagmarka sa mamamayan.
Tanging si Sen. Bong lamang ang kandidato na halos lahat ay alam ang kanyang numero sa balota dahil sa political ad na ito na labis na pinag-isipan. Ang nakakalimutan ng mga kritiko ni Sen. Bong na bukod sa artista ay producer ito ng pelikula sa loob ng mahabang panahon kaya alam nito ang maganda, pangit at epektibo.
Kaya nga ilang araw lang matapos ipalabas ang nasabing political ad ay sumipa na ng husto sa survey ang puwesto ni Sen. Bong at ngayon pa lamang ay nakakasiguro na ng panalo.