Court of Justice idaan, huwag sa social media

ANG nakalulungkot sa panahon ng social media, ito ay nagiging instrumento ng paninirang puri o character assa­sination, lalo na sa panahon ng eleksyon.

Hindi sa minimenos natin ang kontrobersyal na paha­yag ni “Alias Bikoy” na ang pamilyang Duterte ang nangu­ngunang drug lords sa bansa. Ngunit kung may merito ito at may hawak siyang katibayan, bakit hindi siya magharap ng kaukulang demanda sa mga inaakusahan?

May immunity from suit ang Pangulong Duterte, oo, pero hindi ang kanyang anak na si Paolo o kaya’y si Senatorial bet Bong Go na kilalang very close sa Pa­ngulo. Silang dalawa ay direktang tinukoy ni Peter Joemel Advincula, a.k.a. Bikoy na utak sa umiiral na drug syndicate sa bansa.

Nangangamba ba si Bikoy na mabasura lang ng korte ang kaso dahil sa impluwensya ng Pangulo? Higit na naka­­kapangamba ang maakusahang naghahabi ng kasinu­­ngalingan kaya dinadaan na lang sa social media. Ngu­nit kung ipadaraan sa tamang proseso at malalaman ng tao na may isang malakas ang loob na humarap sa huku­man para kasuhan ang pamilya ng Pangulo, marami ang naniniwala sa kanya.

Maganda sana ang konsepto ng social media kung hindi nagiging kasangkapan sa paghahasik ng galit at paninira. Maraming iresponsableng tao ang gumagamit nito kaya ito’y nawawalan ng kredibilidad.

Ang nangyayari ngayon ay demolisyon kontra demo­lisyon. Sa harap ng mga mapanirang akusasyon ni Bikoy, binabato rin siya ng mga akusasyon ng administrasyon. Kesyo siya ay ex-convict at estapador, kesyo siya ay baliw na dapat ikulong sa mental institution.

Sabihin man nilang hibang si Bikoy o isang paid troll ng oposisyon para sa isang grand demolition plot laban sa Pangulo, may impact pa rin ito sa administrasyon.Sabi nga, huwag maliitin ang kagat ng lamok at baka ka ma-dengue.

Show comments