EDITORYAL - Pati sari-sari store pinasok na rin?

MARAMING Chinese workers sa bansa. Karamihan sa kanila ay mga nasa hotel at Chinese restaurant at nagsisilbing chef. Mayroon din sa mga construction company na gumagawa ng mga tulay. Kamakailan, napabalita na ang ginagawang dam project sa Northern Luzon ay mga Chinese ang trabahador. Pinabulaanan naman ito ng Department of Labor and Employment (DOLE). Wala raw katotohanan ang balita. Hindi raw sila papayag na maagawan ng trabaho ang mga Pinoy.
Pero may nakadidismayang report na pati ang mga sari-sari store sa Boracay ay pinasok na rin umano ng mga Chinese. Hindi lamang sari-sari store kundi pati ang mga restaurant at pagmamay-ari na rin ng mga Chinese. Ayon sa report, makikita sa gilid ng mga kalye sa Boracay ang mga sari-sari store at maging mga restaurant. Noong nakaraang buwan, na-report na patuloy ang pagdami ng mga tindahan ng Chinese sa sikat na resort. Hindi raw maikakaila na sa Chinese ang mga tindahan at restaurant sapagkat may mga Chinese character sa pintuan ng mga ito. Halatang-halata na mga Chinese ang nagpapatakbo at maging ang mga tauhan umano ay mga Chinese rin.
Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, dapat ipagbawal ang ganito. Dapat ipasara ang mga tindahan at restaurant. Okey lang daw kung malakihan ang mga negosyong ginagawa sa bansa at kikita sa pamamagitan ng tax pero maliit lang daw ito kaya dapat ipatigil ito.
Ayon pa kay Lacson, kung sa China raw ito gagawin ng mga Pinoy, tiyak na kinabukasan ay giba ang tindahan at ipadedeport ang Pinoy. Hindi dapat gawin ang praktis na ito.
Dagsa ang mga Chinese sa bansa, pero hindi lang pala para mamasyal kundi para magtayo ng maliliit na tindahan. Hindi ito dapat mangyari. Tutulan ang ginagawang ito.
- Latest