MAY planong gawing isang techno hub at sentro ng kaunlarang pangkabuhayan gayundin ng sining, kultura at turismo ang Visayas. Ang planong ito na tatawaging One Visayas Development masterplan ang isusulong umano ni senatorial candidate Imee Marcos kapag siya’y nahalal na senador.
Ang Visayan group of islands ay may mayamang kultura bukod pa sa ito’y hitik sa kasaysayan. Bukod dito, tinuran ni Imee ang masaganang likas na kayamanan sa rehiyon at ang mga mamamayan dito ay likas sa kasipagan at may talento sa sining.
Aniya. Minsan nang tinanghal noon 1970 ang Cebu bilang “Milan of Asia”. Bagamat ngayon ay nawalan na ng sigla ang industriya ng furniture, garment at manufacturing, mayroon pa ring sumulpot na mga world class talent sa larangang ito tulad nina Kenneth Cobonpoe at Michael Cinco.
Dapat talagang palawakin ang sentro ng kaunlarang pangkabuhayan upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa pag-unlad ng bansa, ani Imee. Kakailanganin dito ang pagtatayo ng mga infrastructures upang magkaugnay-ugnay ang bawat kapuluan at maging mabilis ang pagde-deliver ng mga kalakal at serbisyo.
Kasama na rin diyan aniya ang pagtatalaga ng mga pasilidad sa edukasyon, impormasyon at komunikasyon, serbisyong pangkalusuan gayundin ng sining at kultura. Inamin ni Imee na inspiration niya sa adbokasiyang ito ang pagiging anak ng isang Bisaya mula sa Leyte na si dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.
Sa taong 2019, ang priority infrastructure projects sa Visayas sa ilalim ng Build, Build, Build program ay P754 million sa New Bohol (Panglao) International Airport; P450 million sa Catbalogan airport sa Samar; P50 million para sa Tacloban airport sa Leyte; P282 million sa New Cebu International Container Port Project; at P75 million sa rehabilitasyon at pagpapabuti sa mga paliparan at pantalan.