SA kasalukuyan, ang daily minimum wage sa Metro Manila ay P537. Sa isang pamilya na may dalawang anak, hindi na ito sapat. Dito kukunin ang upa sa bahay, tubig, kuryente, pagkain sa araw-araw, pasahe patungong trabaho, baon ng mga anak, etc. Wala nang matitira. Paano kung magkasakit ang mga anak?
Kaya nakakakunsumi ang sinabi kamakailan ng pamahalaan na maaari na raw mabuhay sa suweldong P10,481 ang pamilyang may limang miyembro. Ligtas na raw sa kahirapan ang pamilya kung ganito ang kinikita ng padre de pamilya. Mabubuhay na raw nang maayos ang pamilya.
Ito marahil ang dahilan kaya walang nangyaring dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa kahapon nang ipagdiwang ang Araw ng Paggawa. Napaos sa kangangawa ang mga manggagawang nagtipon sa Mendiola, Welcome Rotonda, Liwasang Bonifacio at Plaza Miranda pero walang umento sa sahod. Katwiran ng pamahalaan, bakit pa magbibigay ng karagdagan kung kaya naman pala ng isang pamilya na may limang miyembro na mabuhay sa kitang P10,481 bawat buwan. Ikakatwiran pa, malulugi ang mga kompanya kapag nagbigay ng dagdag sa suweldo. Tatakutin pa ng mga kompanya na magsasara sila kung pipiliting magbigay ng umento.
Sabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) nararapat na P710 ang minimum wage sa Metro Manila. Ito ang tamang increase para makasunod ang mamamayan sa tumataas na bilihin. Ayon sa TUCP, wala nang nabibili ang P537 na minimum wage ngayon dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng mga bilihin. Nagtaas ang bilihin dahil sa pinairal na TRAIN law na ang pumasan naman ay ang mga mahihirap.
Kahapon, tumaas na naman ang presyo ng gasoline at diesel. Walang tigil ang pagtaas ng gasolina at lalo pang tumaas dahil sa pinataw na excise tax noong Enero. Ang nakaamba ngayong pahirap ay ang pagtataas ng pamasahe. Nagbanta kamakailan ang transport groups na magtataas sila. Nag-anunsiyo rin ang Meralco na magtataas ng singil sa kuryente.
Umuwing luhaan ang mga manggagawa kahapon sapagkat walang nangyari sa kanilang panawagan na itaas ang minimum wage. Hindi sila naunawaan sa bigat na pinapasan. Paano sila mabubuhay sa maliit na kita.