KINATUWA ng administrasyong Duterte ang inilabas na ulat ng Ateneo Human Rights Center (AHRC) na nasa 7,000 ang napatay sa Oplan Tokhang, at hindi 20,000 na madalas inaakusa ng mga kritiko ni President Duterte sa loob at labas ng bansa. Pero ang hindi sinasabi ng Palasyo ay ang mas malaking bahagi ng ulat ng AHRC, ang paglalabag sa karapatang pantao na ginagarantiya ng Konstitusyon.
Ayon sa ulat, may walong paglalabag ang Oplan Tokhang, magmula nang ilunsad ito noong 2016. Ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ni Duterte ay pinahina ang mga karapatang iyan. Alam ko na ang isyu ng karapatang pantao ay hindi gustong talakayin ni Duterte.
Hindi nabigay sa sinasabing 7,000 napatay ang proteksyon ng Konstitusyon. Pati ang proseso mismo ng pagtokhang ay may paglalabag sa karapatang pantao. Wala raw problema na “hikayatin ang mga lulong sa droga, pero dapat sa tamang proseso”. Wala ring problema na masugpo na ang salot sa lipunan ng ilegal na droga. Pero ganundin, sa tamang paraan.
Ayon sa Palasyo, karamihan ng mga napatay ay gawa ng mga sindikato, at hindi pulis. Pero taas-kilay na lang tayo kung sino ang mga sindikatong iyan. At matagal ko nang sinasabi na bakit ngayon lang pinaigting ang kampanya kontra ilegal na droga, kung matagal na iyang krimen na bahagi ng tinuturo sa lahat ng pulis.
Dahil si Duterte ang Presidente? Ibig bang sabihin, kung ano ang gustong habulin ng pangulo, iyan ang itatrabaho ng PNP? Kung mga carnapper ang gustong habulin ng isang Presidente, diyan naman magiging seryoso ang PNP? O mga ilegal na recruiter? Kung ano ang ayaw na krimen ng Presidente ng bansa, diyan kikilos ang PNP?
Hindi ang “tamang” bilang ng mga napatay sa Oplan Tokhang ang dapat ikatuwa. Ang isyu ng paglabag sa karapatang pantao na ginagarantiya ng Konstitusyon ang kailangang matukoy. Hindi ko alam kung talagang tama ang bilang ninoman, administrasyon o oposisyon.
Ang alam ko ay maaaring may napatay na hindi nabigyan ng tamang proseso para ipagtanggol ang sarili. Ang madalas na dahilan ngayon ng pulis ay ang “nanlaban”. Pero nakita na may mga insidente na hindi naman ito naganap, at pinatay na lang ang umano’y adik. May proteksyon ang lahat sa ilalim ng Konstitusyon. Ito ang buod ng ulat ng AHRC, na sana ay ginagarantiya rin ng PNP.