HINDI naniniwala si Phivolcs chief Renato Solidum na liquefaction ang dahilan kung bakit tumagilid ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa UN Ave. noong lumindol sa Castillejos, Zambales. Wala raw bumitak na kalsada at walang lumabas na tubig, na siyang mga senyales ng liquefaction. Kung nagkaroon nga ng liquefaction, dapat ay malawak ang epekto nito. Nabanggit ko na nga na bakit itong gusali lang ang apektado at hindi mga katabi. Tama nga na malawak ang epekto ng liquefaction, tulad ng nangyari sa Dagupan noong lindol ng 1990.
Ayon kay Solidum, kailangang tingnan ang disenyo ng gusali, kung malalim ang “paa” nito. Ang mga gusali umano ay dapat makakilos sa lindol, at bumalik sa dating kinalalagyan. Hindi ito ang nangyari sa EAC building. At walang ibang gusali sa UN Ave. ang nakaranas din ng pagtagilid. Malalaman na naman kung may ginawa ang may-ari o kontraktor sa disenyo o paggawa ng gusali para makatipid o kumita ng mas malaki. May mga nagpayo na hindi na dapat gamitin ang gusali dahil peligroso na, at kailangan na ring gibain dahil baka namemeligro rin ang gusaling sinasandalan.
May video na ring lumabas ng pagguho ng Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga. Kitang-kita na ilang segundo lang nang magsimula ang lindol, gumuho na ang gusali. Kung apat na taon pa lang ang gusali, bakit ganyan kabilis gumuho? Hinahanda na umano ng PNP ang kasong isasampa laban sa mga mananagot sa pagguho ng Chuzon Supermarket. Hindi lang ang may-ari, kundi pati mga lokal na opisyal na nagbigay ng mga pahintulot para itayo ang nasabing gusali, at ang kontraktor na maaaring gumamit ng mga hindi de-kalidad na materyales.
Dapat isama na rin ang mga tindahang nagbebenta ng materyales na hindi naman papasa sa pamantayang itinalaga ng mga kinauukulang ahensiya, partikular sa mga probinsiya. Iniimbestigahan ang lahat bago magsampa ng mga kaso. Mga nakaligtas ang kinukunan ng sinumpaang salaysay. Tumigil na rin ang paghanap kung may nakaligtas pa sa pagguho, dahil wala na raw makitang senyales na may buhay pa. Ang hahanapin na lang ay ang mga nawawala pa. Kung may madiskubreng pagkukulang ang dalawang gusali, talagang may oras na babayaran ang ginawang pagkakamali. Malungkot lang at may mga inosenteng napapahamak.