MAY magandang panukala si Malabon Congressman Ricky Sandoval. Ito ay ang pagpapatayo ng malaking pampublikong ospital na doo’y libreng makapagpapagamot ang mga mahihirap na pasyente. Hinarang ito ni Mayor Len-Len Oreta. Si Sandoval ay mister ng katunggaling kandidato sa pagka-mayor ni Alkalde Oreta, si Vice Mayor Jeannie. Tingin ko, ito’y malinaw na taktikang pulitikal para tanggalan ng kredito ang kalaban.
Ang San Lorenzo Ruiz Women’s Hospital (SLRWH) sa Malabon ay maliit na public hospital. Mayroon lamang itong sampung (10) bed capacity na nagseserbisyo sa mga kababaihan at bata sa Malabon. Isinulong ni Sandoval ang house bill 5791 upang palakihin ang pagamutan. Ito sana ay tatawaging General Hospital na magbibigay ng dekalidad na serbisyo sa mga taga-Malabon.
Tuwang-tuwa si Presidente Duterte nang bisitahin niya ang malaking bakanteng lupa sa San Luis St., Barangay Panghulo na pagtatayuan ng ospital. Ito ay na-acquire sa pagsisikap ni Cong. Sandoval, asawang si Vice Mayor Jeannie at ng management ng pagamutan at Department of Health. Pero humadlang si Oreta.
Sumulat ang Administrator ng Mayor na si Voltaire Dela Cruz sa Office of the President noong Marso 2019, at sinabi na ang lokasyong pagtatayuan ng ospital ay hindi madaling madadaanan ng mga residente sa lungsod maging ng mga pampublikong sasakyan at ito ay matatagpuan sa mababa at binabahang lugar.
Batid ng mga taga-Malabon na ang Luis Street ay malawak, mas madaling madadaanan at mapupuntahan kaysa sa masikip at maliit na kalyeng pinapasukan lamang ng mga traysikel sa Brgy. Santolan at mas malapit kaysa sa kasalukuyang lokasyon ng San Lorenzo na matatagpuan sa pagitan ng Valenzuela at Malabon.
Sa pagpapalaki ng ospital, wala nang gastos ang mga residente. Kasi, ang pondo nito ay magmumula sa budget ng national government at may Malasakit Center pa. Hindi na dapat tanungin kung bakit tutol si Oreta sa proyekto. The reason is obvious. Ina-appreciate ng mga residente ang pagsisikap ni Sandoval na mapatupad ito. Nagkataon pa na si Vice Mayor Jeannie Sandoval ay tumatakbo bilang Mayor at katunggali ni Oreta sa darating na eleksyon.