(Huling bahagi)
SA paglilitis, itinanggi ni Ton at binawi ang kanyang pag-amin sa krimen. Ang palusot niya ay pinilit at minaltrato siya ng mga imbestigador kaya siya napilitang pirmahan ang salaysay. Sinumbong daw niya sa kanyang tiyahin na si Rebby at sa kanyang abogado ang ginawa sa kanya ng mga pulis noong dumalaw ang dalawa habang nakakulong siya pero walang naging aksyon dito. Tumestigo ang pulis na si Reyes tungkol sa pagiging kusang loob ng ginawang pag-amin ni Ton. Itinanggi naman ng hepe ng mga pulis na si Steve at ng pulis na umaresto kay Ton ang sinasabing pagmamaltrato.
Nang matapos ang paglilitis, hinatulan si Ton ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakulong at pinagbabayad ng danyos sa mga naulila ni Eva. Inapela ni Ton ang naging hatol. Katwiran niya, nagkamali ang korte dahil 1) binase nito ang naging desisyon sa kanyang binawing extra-judicial confession, 2) nang hatulan siya samantalang hindi naman siya namukhaan ni Philip at 3) paghatol sa kanya sa kabila ng mahinang ebidensiya.
Kinatigan pa rin ng Supreme Court ang naging pagsusuri ng mababang hukuman na boluntaryo at kusang-loob daw ginawa ni Ton ang pag-amin kahit pa hindi sinabi sa kanya ang karapatan niya na manahimik at kumuha ng abogado na nakasaad sa Saligang Batas. Hindi pa raw umiiral ang nasabing batas nang ginawa ni Ton ang pag-amin sa krimen. Ang mga detalye ng krimen na inilahad ni Ton ay matibay na ebidensiya na totoo ang lahat ng kanyang sinabi. Hindi naman mailalagay sa salaysay niya ang mga detalyeng iyon kung hindi niya inamin sa mga pulis. Ang binanggit niya na address o tirahan niya ay tugma sa kanyang school record. Ang eksaktong oras ng kanilang pagtatagpo ni Temyong at kung paano siya nakasama sa grupo ng mga magnanakaw ay nagpapakita na kusa niyang ginawa ang pag-amin sa krimen.
Ang paliwanag naman kung bakit hindi siya namukhaan ni Philip ay marahil dahil na rin sa paglipas ng panahon (9 na buwan matapos ang insidente) mula nang mangyari ang krimen at tumestigo ang lalaki. Hindi na niya matandaan lahat ang nangyari basta ang naalala niya ay mahaba at malago ang buhok ni Ton. Hindi na rin ito importante dahil nga inamin nga ni Ton sa kanyang extra-judicial confession ang naging partisipasyon niya sa krimen. Nagtugma rin ang naging testimonya ni Philip at ang necropsy report patunay na naganap ang pagnanakaw at pagkamatay ng biktima o ang tinatawag na corpus delicti. Nagtutugma rin dito ang naging pag-amin ni Ton.
Ang sinasabi naman ni Ton na hindi napatunayan ang kanyang pagkakasala dahil mahina ang ebidensiya ay walang kuwenta dahil nga siya mismo ang umamin sa kanyang naging partisipasyon sa kaso at hindi niya napatunayan na pinilit siya para aminin ang kanyang ginawa.
Kahit sabihin pa na walang kinalaman si Ton sa pagkamatay ni Eva, dapat pa rin siyang managot para sa krimen ng robbery with homicide dahil nagkutsabahan sila ni Temyong na gawin ang krimen. Kapag mayroong tinatawag na conspiracy o kutsabahan sa mga kriminal, pare-pareho silang mananagot sa ginawa ng bawat isa lalo at may namatay kahit sabihin pa na wala silang kinalaman sa ginawa ng kanilang kasama (People vs. Page, G.R. 37507, June 7, 1977).