EDITORYAL - Bakit ampaw ang naguhong supermarket?

HANGGANG ngayon, ipinagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa mga maaaring natabunan sa pagguho ng Chuzon Supemarket sa Porac, Pampanga. Naguho ang supermarket noong nakaraang Lunes dahil sa magnitude 6.1 na lindol. Lima ang naitalang patay at anim ang nailigtas.

Marami ang nagtataka kung bakit naguho ang supermarket gayung apat na taon pa lamang umano ito. Masyadong bago para bumagsak.

Ayon sa Phivolcs, ang isang gusali ay maaaring magiba kung tumama ang magnitude 7. At sa kaso ng gumuhong supermarket na apat na taon pa lamang, napakaimposible na agad-agad ay bumigay sa hindi pa kalakasang lindol. Apat na palapag ang gusali na kinaroroonan ng supermarket pero makaraang tamaan ng lindol, dumapa ito at naging isang palapag na lang.

Nang dumalaw si President Duterte sa Porac isang araw makaraan ang lindol, agad niyang ipinatigil ang operasyon ng iba pang branches ng Chuzon. Umano’y may anim pang branches sa ibang bayan sa Pampanga at Bataan ang supermarket. Ipinatawag naman ng Philippine National Police (PNP) ang may-ari ng Chuzon na agad namang nagpaunlak.

Ikinuwento ng isa sa mga nakaligtas na lala-king bagger ng supermarket ang kahindik-hindik na karanasan habang nasa ilalim ng guho. Naipit siya sa mga bumagsak na pader. Para makahinga, gumawa siya ng butas para may daanan ng hangin. Halos 16 na oras siyang nasa ilalim ng guho at naka-survive sa pag-inom ng sariling pawis na piniga mula sa kanyang suot na t-shirt. Kahit sumisigaw siya ay walang makarinig sa kanya. Hanggang sa makakita siya ng kapirasong yero at iyon ang pinukpok niya para marinig ng rescuers. At nailigtas siya. Ayon sa bagger, himala na nabuhay siya. Nagpapasalamat siya sa Diyos sa ikalawang buhay na ipinagkaloob sa kanya.

Ang pagguho ng supermarket ay nararapat im-bestigahan. Magsagawa ng masusing pagsisiyasat sa istruktura kung bakit tila ampaw ang gusali at sa kaunting galaw ng lupa ay naguho. Nagkaroon ba ng katiwalian sa pagkuha ng building permit? Mayroon ba talaga itong permit? O kung may building permit hindi kaya nagkaroon ng lagayan para aprubahan agad kahit hindi naman dumaan sa tamang specifications ang mga ginamit na materyales. Kailangang malaman ang katotohanan sa pagguho ng Chuzon.

Show comments