MUKHANG may mga mananagot sa mga gumuhong gusali nang lumindol noong nakaraang linggo. Gumuho ang apat na palapag ang Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga. Ang disenyo ay para sa dalawang palapag lang pero dinagdagan pa ng dalawa. Maaaring ito ang dahilan kung bakit gumuho habang ang mga katabing gusali ay hindi. Apat na taon pa lang ang gusali.
Nagpakita na rin ang may-ari ng Chuzon at sinabing walang iregularidad sa paggawa ng mga gusali. Hinahanda na ng PNP ang kasong isasampa sa kanya, dahil may mga namatay sa pagguho. Hindi lang dapat ang may-ari ng Chuzon ang masampahan ng kaso, kundi pati mga lokal na opisyal na may kinalaman sa pagtayo ng gusali. Aalamin kung sinunod ang disenyo at mga materyales na ginamit.
Sa UN Avenue naman, tumagilid ang Emilio Aguinaldo College at nakasandal sa katabing gusali. Hindi na ipinagagamit ang gusali dahil peligroso na. Wala na sigurong magagawa kundi tibagin, bago gumuho nang mag-isa. Bakit ang gusaling ito lang ang tumagilid habang mga katabi ay hindi. Liquefaction ng lupa ang sinisitang dahilan kung bakit tumagilid ang gusali, pero hindi ba dapat pati ng katabi ay ganundin? Malas naman niya at siya lang ang tumagilid.
Dapat mainspeksiyon na ang mga gusali sa Metro Manila, partikular ang mga matagal nang itinayo. Ang mga bagong gusali ay mga disenyong pangontra sa malakas na lindol. Walang gusaling “earthquake-proof”, kundi “earthquake-resistant”. Kaya malakas yumanig ang mga matataas na gusali dahil sumasabay sa paggalaw ng lupain. Baka wala pang ganyang disenyo o teknolohiya ang mga lumang gusali, kaya kailangang mainspeksyunan nang mabuti. Mabuti na ang nag-iingat.