EDITORYAL - Kulang sa equipment

HANGGANG ngayon, sinisikap pa ng mga rescuers na masaliksik ang kaloob-looban ng gumuhong Chuzon Supemarket sa Porac, Pampanga makaraang tumama ang magnitude 6.1 na lindol noong Lunes. Lima ang naitalang patay sa gumu­hong supermarket at anim naman ang nakaligtas. Kahapon, may report na meron pa raw nawawala at pinaniniwalaang nasa ilalim pa ng mga guho. Mayroon pa raw naririnig na nagmumula sa mga nagu­hong istruktura.

Ang problema, walang gaanong equipment ang mga rescuer para ganap na mahanap ang kinaroroonan ng mga natabunan. Walang mahuhusay o makabagong kagamitan para ganap na matunton ang eksaktong lugar na kinaroroonan. Kaya bago pa marating ng rescuers ang kinaroroonan ng biktima, patay na ang mga ito dahil sa suffocation at ang iba ay dahil sa gutom. Hindi sila namatay dahil nabagsakan kundi matagal silang hindi nakuha sa kinaroroonang guho.

Patunay dito ang ikinuwento ng bagger na na­iligtas sa gumuhong supermarket. Labing-anim na oras siyang nasa pagitan ng mga pader bago nasaklolohan. Wala umanong mahusay na equipment para maiangat ang nakadagan na konkreto.

Ayon sa lalaking bagger, naipit siya sa mga bumagsak na pader. Nakapaligid sa kanya ang pader. Nakakalakad-lakad naman daw siya sa pagitan ng mga pader. Pero ang problema ay madilim at kinakapos siya ng hininga. Nauubusan daw siya ng hangin.

Para makahinga, gumawa siya ng maliit na butas para may daanan ng hangin. Kung hindi raw niya iyon ginawa, maaaring patay na siya sapagkat mauubusan ng hangin. Halos 16 na oras siyang nasa ilalim ng guho at para maka-survive, ininom niya ang sariling pawis na piniga sa mula sa suot na t-shirt. Kahit sumisigaw daw siya ay walang makarinig sa kanya. Hanggang makakita siya ng kapirasong yero at iyon ang pinukpok nang pinukpok para marinig ng rescuers. At saka pa lamang siya nailigtas.

Ayon sa Phivolcs, ang tumama sa Luzon at Metro Manila ay hindi pa “The Big One”. Nararapat maghanda ang mamamayan. Maghanda rin ang pamahalaan sa mga gagamiting equipment sapagkat salat ang bansa sa mga ito. Kung walang equipment, paano maililigtas ang mga na-trap sa guho. Kailangan din ang mga trained rescuers.

Show comments