HINDI ikinatuwa ni senatorial candidate Samira Gutoc ang pahayag ni President Duterte na baka pabayaan na lang ang rehabilitasyon ng Marawi City sa mga umano’y mayayamang negosyante roon. Ayon kay Duterte, maraming mayayaman na taga-Marawi. May padaplis pa na may mga sangkot sa droga. Baka hindi na raw niya gastusan. Dagdag pa, hindi naman daw “natural na kalamidad, at mangyayari dahil sa kanilang ginagawa roon.” Kung ano naman kaya ang ginagawa ng mga taga-Marawi para sila pa ang masisi para sa nangyari sa kanila.
Hindi ko alam ang nararamdaman ng taga-Marawi kung marinig ang pahayag ni Duterte. Ilang beses kong narinig noon na may magbibigay sa kanila ng ganitong milyon, o bilyon para sa rehabilitasyon ng Marawi. Na ibabalik ang ganda ng Marawi. Hanggang ngayon, wala pang nangyayari. Tapos ganyan pa ang sasabihin ni Duterte? Ano ang gagawin ng gobyerno sa mga binigay daw na pera para sa Marawi?
Nasa China si Duterte ngayon. Pang-apat na biyahe niya roon. Ang hangad ay makakuha pa ng karagdagang kasunduan o transaksiyon para sa kanyang “Build, Build, Build”. Kasama pa kaya ang Marawi City sa mga plano niya? At pag-usapan kaya ang mga nakapaligid na barko ng China, ano man ang ginagawa ng mga barkong iyan, sa Pag-asa at iba pang islang kontrolado na natin? Sabihan kaya na kung wala naman talagang ginagawang pangingisda ay paalisin na lang? O kakamayan at pupurihin lang naman ang China, para nga makakuha na naman ng kasunduan?
May anunsyo mula sa isang mall na ilang sinehan nila na magpapalabas ng Avengers: Endgame ay may Chinese subtitles. Marami ang humingi ng refund sa dismaya. Sino nga ba ang gustong makakita ng Chinese subtitles kapag nanood ng ganyang palabas Parang nanood ka ng pirated na kopya ng sine. Baka maintindihan ko pa kung Tagalog subtitles, pero Chinese? Ano ang susunod, mga pangalan ng kalsada, mga pangalan ng lugar tulad ng Luneta o Rizal Park, mga kilalang kainan ay lalagyan na rin ng Chinese characters? Baka mga palabas sa TV ay lagyan na rin? Kailangan na ba silang asikasuhin ng ganyan?
Senyales na talaga ito ng dami ng taga-China sa bansa, dahil sa administrasyong ito. Kailan lang ay pinuna ang nagtayuang mga negosyo sa Boracay na pag-aari ng Chinese. Maraming Chinese sa mga casino. Maraming nagtatrabaho nang ilegal sa mga online na negosyo. Ito ang nagbago.