EDITORYAL - Leksiyon na hatid ng lindol

ISANG matinding leksiyon ang hatid ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Luzon at Metro Manila noong Lunes at ikinamatay ng 16 katao sa Pampanga. Isang supermarket ang nag-collapsed sa Porac, Pampanga at may mga namatay. Inimbitahan na ng Philippine National Police (PNP) ang may-ari ng supermarket na gumuho. Inaalam na kung may building permit ang gusaling kinaro­roonan ng supermarket. Maraming nagtataka kung bakit naguho agad ang gusali gayung bago pa umano ito. Maraming katabing gusali ang supermarket subalit ito lamang ang naguho. Apat na palapag ang gusali kung saan ang fourth floor ay ginawang tirahan umano ng mga empleyado ng supermarket.

Dahil sa pagguho ng supermarket, nagdulot ito ng takot sa mga may-ari ng gusali hindi lamang sa Pampanga kundi pati na rin sa Metro Manila. Maraming gusali sa Maynila ang matatanda na at kinakailangang magkaroon ng pag-iinspeksiyon para makatiyak kung hindi ito magko-collapsed sa pagtama ng lindol. Mas maganda na inspeksiyunin ngayon bago maging huli ang lahat.

Naging viral sa social media ang paghi­lig ng isang school building sa katabing gusali. Halos­ bumangga ang school sa katabing building. De­li­kado ang ganito sapagkat ang bigat ng school ay sinasalo ng katabing gusali. At paano kung tumama uli ang lindol o ang tinatawag na “The Big One”? Baka sa bigat ay tuluyang itulak ang katabi at magiba ito. Kailangan ang agarang aksiyon ng may-ari ng school. Bago maging huli ang lahat, magkaroon ng pag-iinspeksiyon sa mga lumang gusali.

May hatid na leksiyon ang mga trahedya. Imi­nu­mulat ang tao para hindi na maulit ang nangyari. Sa pagtama ng lindol noong Lunes, may hatid itong aral at dapat itong isaisip ng lahat.

Magkaroon ng lubusang pag-check sa mga istruktura ng gusali at kapag nakitaan ng kahinaan dahil sa pagyanig, hindi na dapat okupahan. Huwag nang hintayin pang may mapahamak.

Show comments