Sri Lanka
UMABOT na sa 290 ang mga namatay sa pambobomba sa Sri Lanka noong Easter Sunday. Ang tinarget ay mga hotel at simbahang Kristiyano. Alam ng mga terorista na maraming Kristiyano ang magsisimba para ipagdiwang ang Muling Pagkabuhay ni Hesus pero ang sumalubong sa kanila ay kamatayan.
Wala pang umaangkin sa krimen, pero kung mga simbahang Kristiyano ang tinarget, magtataka pa ba? Matagal nang hindi nakararanas ng ganitong karahasan ang Sri Lanka, at wala rin daw silang alam na mga radikal na grupo sa bansa. Buddhism ang relihiyon ng mayorya ng Sri Lanka. Kabilang sa mga namatay ay mga dayuhang nagbabakasyon.
Kamakailan lang nangyari ang pamamaril sa mosque sa New Zealand. May koneksiyon ba ang terorismong ito sa nasabing insidente? Hindi nga malayong mangyari. Mga radikal, kahit ano pa ang kanilang paniniwala, ang kalaban ng mundo ngayon. Hindi pa rin sila masugpo. Kumikilos kung kailan may kasiyahan. Kung kailan hindi handa at kung kailan kampante.
Sisimulan ko sana ang pagbati nang Maligayang Pasko ng Pagkabuhay. Pero ganyan nga ang sumalubong sa akin. Kaya ang masasabi ko, maging maingat, maging mapagmasid at huwag maging kampante. Sa panahon ngayon, kailangang ipaglaban natin ang kaligtasan sa mga terorista.
- Latest