EDITORYAL - Huwag si Joma ang kausapin
NAGBAGO na naman ang isip ni President Duterte at gusto uling ipagpatuloy ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Ito ay makaraan niyang sabihin noong nakaraang buwan na tinatapos na niya nang tuluyan ang pakikipag-usap sa rebeldeng grupo. Wala na raw mangyayaring peace talks sa CPP-NPA. Pero ngayon, nagbago na naman ang kanyang tono. Bukas uli siya para sa pag-uusap.
Nanawagan pa siya kay CPP founding chairman Jose Maria Sison na umuwi at mag-usap uli sila. “Umuwi ka rito Sison. Ako bahala sa iyo. Hindi ako traydor na tao. I give you my word of honor. Mag-usap tayo,” sabi ng Presidente.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nanawagan ang Presidente na umuwi si Sison at mag-usap sila. Noong nakaraang taon, inulit muli niya ang panawagan pero tumanggi si Sison. Hanggang sa magpalitan na sila nang mga maaanghang na salita. Sinabi ng Presidente na masyadong arogante si Sison. Maysakit din umano ito. Ang pinakamatindi ay nang sabihin ng Presidente na sasampalin niya ang CPP leader kapag umuwi ito.
Maraming beses naipagpaliban ang peace talks ng pamahalaan sa rebeldeng grupo. Maraming ulit nang sinabi ni Duterte na tapos na ang pakikipag-usap at maghanda na lang ang mga sundalo sa pakikipagbakbakan sa mga rebelde. Minsan pa, inatasan niya ang mga sundalo na laging linisin ang mga baril bilang paghahanda sa pakikipaglaban sa NPA.
Hindi na uuwi si Sison sa Pilipinas. Hindi niya papatulan ang panawagan ni Duterte na umuwi. Walang mangyayari sa kanilang dalawa sapagkat pawang palitan lang ng mga walang kuwentang salitaan. Ang magandang gawin ng Presidente ay sa NPA na lamang makipag-usap. Tutal at ang mga ito ang lumalaban sa pamahalaan. Sa kanila makipagdayalogo. Nagawa na ito ng Armed Forces noon. Sa aming palagay, sisilip ang kapayapaan kung localized peace talks ang isasakatuparan. Huwag nang kay Joma makipag-usap sapagkat walang mangyayari. Sayang lang ang laway sa kanya.
- Latest